33 SANGLAAN: TUNAY BANG TULAY NG MASANG PILIPINO? nina Ma. Lina Nepomuceno-Van Heugten at Susana Corazon Ortega Kumuha ng inspirasyon ang kasalukuyang panimulang pag-aaral sa tampok na pelikulang Sanglaan ng Cinemalaya ’09. Upang mapunan ang salat na empirical at masusing pagsusuri sa phenomenon ng pagsasangla, minarapat ng may-akda na simulan ang paglilinaw ng konsepto ng sanglaan sa paggamit ng samu’t saring metodo ng pananaliksik: 1) paghalaw sa paglalarawan ng sanglaan sa pelikula at sining, kabilang na ang mga patalastas at anunsyo ng mga sanglaan; 2) pagtatanung-tanong sa mga kalahok na naranasan nang magsangla; at 3) pakikipagkwentuhan sa mga may-ari o namamahala o taga-tasa ng mga sanglaan. Ayon sa datos, bagama’t tunay ngang sagot sa mga hindi inaasahan o pang-araw-araw na pangangailangan ng masang Pilipino ang sanglaan, maaring bigyang pansin ang malawakang pananaw ukol sa pamamahala ng salapi at aktibong mapaghandaan ang kinabukasan sa pamamagitan ng ibang paraan ng paghawak at pangangalaga ng pananalapi at ari-arian tulad ng pag-iimpok, pag-aalkansya, paluwagan, ang bagong Piso-Piso bank at ang mga tradisyonal na bangko. Panimula Sa isang rebyu ng pelikulang Sanglaan na lumabas sa Facebook, sinulat ni Butch Francisco (2009) 1 na “para sa maraming henerasyon ng mga Pilipino, may dalawang establisimiento kung saan hindi natin nais na makita tayong lumabas: isa dito ang sanglaan at pangalawa ay ang motel.” Madaling maunawaan kung bakit hindi mainam na makitang galing tayo sa motel. Subalit may pangamba rin ang marami na isipin ng ibang tao na sila ay naghihirap kung makita silang nagsasangla na ng mga personal na gamit. O kaya, mas malala, na sila ay nagnakaw at itinitinda ang nakulimbat sa sanglaan. Sa katotohanan, may sektor ng Pilipino, lalo na iyong nasa hanay ng mga elitista (intelektuwal man o pangkabuhayan), ang hindi kailan man magkakaroon ng kaugnayan sa mga sanglaan. Subalit para sa hanay ng masang Pilipino, ang pagsasangla ay isang pangkaraniwang paraan para makaahon sa panahon ng kagipitan. Mayroong websites sa internet na tinatalakay na ang negosyong sanglaan. Kasama na sa kanilang paglalahad ang kalikasan ng negosyong sanglaan at ang mga salita o bokabularyong ginagamit sa