[Nailimbag sa websayt ng Rappler: https://www.rappler.com/voices/thought-leaders/opinion-twin-fates-journalists-historians-duterte-marcos/ ] FREEDOM OF EXPRESSION [OPINYON] Ang kambal na tadhana ng mga historyador at dyornalista MAR 14, 2023 6:56 PM PHT MARK JOSEPH PASCUA SANTOS Noong kasagsagan ng pampanguluhang halalang 2022, naglunsad ang GMA Network ng The Jessica Soho Presidential Interviews, kung saan inimbitahang makapanayam ang mga tumatakbo sa pagkapangulo. Naging kontrobersyal ang pagtanggi ng kasalukuyang Pangulong Bongbong Marcos sa nasabing programa, lalo na ang binitawang dahilan ng noo’y tagapagsalita niyang si Victor Rodriguez: “…the hostess of said popular talk show is biased against the Marcoses, and therefore, we believe her questions will just focus on negativity about BBM.” Maraming umalma sa paratang ng pagiging bias ni Jessica Soho, na isa sa pinakapremyadong mamamahayag ng bansa. Sa parehong taon, inilabas ng Viva Films ang Maid in Malacañang, na ukol sa huling tatlong araw ng pamilyang Marcos sa Malacañang. Umani ito ng kritisismo, lalo na sa hanay ng mga historyador. Bilang tugon, sinambit ng direktor nitong si Darryl Yap ang