DALUYAN 1 Tungo sa Estandardisasyon ng Wikang Filipino: Tuon sa mga Vowel sa mga Hiram na Salita sa Ingles Galileo Zafra, Rowena Guevara, Odilon Badong Jr., Christine Clarin, Katherine Rara, Elaine Rose Cristobal, Jonald Albete, Louis Andrew Dizon, Eugene Carl Geronimo, Erica Mae Abbass Ang wikang Pilipino 1 , ang wikang pambansa noon na nakabase sa Tagalog, ay ginabayan ng mga simple at madaling sunding tuntunin sa pagbaybay. Sa pangkalahatan, nakasentro ang mga tuntuning ito sa isang payak na patnubay: “kung ano ang bigkas ay siyang baybay.” Gayunman, nang ang Surian ng Wikang Pambansa, ang ahensiya ng pamahalaan na inatasang manguna sa pagpapaunlad ng wikang pambansa, ay nagpasok ng walong dagdag na letra (c, f, j, n, q, v, x, z) sa dating abakadang Pilipino, ang pagbaybay sa wikang pambansa, na tinatawag na ngayong Filipino, ay naging masalimuot. 2 Sa kabila ng ganitong komplikasyon sa sistema ng pagsulat, simula nang ipakilala ang walong dagdag na letra, nagkaroon ng dinamikong pagpapalawak ng bokabularyong Filipino lalo na sa pamamagitan ng mga ambag mula sa iba’t ibang disiplinang akademiko. Sa mga tekstong nakasulat sa Filipino, kapansin-pansin ang mga pagkakaiba sa paggamit ng walong dagdag na letra, gayundin sa pagtutumbas ng mga vowel sa mga hiram na salita. Para tugunan ang mga kalituhan sa sistema ng pagsulat, naglunsad ng mga proyekto ng estandardisasyon ng wikang Filipino na naglalayong bumuo ng mga tuntunin sa pagbaybay. Kaligiran ng pag-aaral Noong 2001, inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino ang 2001 Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino. Ang bagong patnubay na ito ay nagtuon lamang sa paggamit ng walong dagdag na letra na pawang mga consonant dahil ito ang nakikita noong pinagmumulan ng maraming kalituhan sa pagbaybay. 3 Sa pagbubuod, nabuo ang dalawang kategorya ng mga dagdag na letra: ang c, q, n, x na maituturing na redundant at ang f, j, v, z na may phonemic na katangian. Para hindi makasira sa halos phonemic na katangian ng orihinal na 20 letrang abakada, ang redundant na mga letra ay gagamitin lamang sa pagbaybay ng mga espesyal na kaso: 1) pangngalang pantangi; 2) mga salitang teknikal; 3) salitang may natatanging pangkulturang kahulugan; 4) salitang may iregular na ispeling; 5) salitang may tinatawag na international recognizability. Samantala, ang mga letrang may phonemic na katangian ay gagamitin din sa mga espesyal na kasong ito, at gayundin, sa pagbaybay na rin ng mga salitang karaniwan (hindi kabilang sa limang kaso) na dati ay tinutumbasan lamang ng p (para sa f ), dy (para sa j), b para sa (v), at s (para sa z).