Probinsiya ng Rizal: Kaakibat ng Pagsusulong ng Kaunlaran ang Pangangalaga sa Pamana, Kultura, at Esensiyal na Pangangailangan ng Tao JOSE ‘Ding’ A. FERNANDEZ (Taytay, Rizal - Agosto 2023) ************************************************************************************************************* Abstract Sa lahat ng antas at hakbang ay kahaharapin natin ang hamon ng paglalapat ng sustenadong kaunlaran o sustainable development sa ating lipunan. Kaakibat sa usaping ito ang historikal na pagsusulong ng agenda ng kapayapaan, seguridad sa pagkain, at iba pang esensiyal na pangangailangan ng tao—at hindi mahihiwalay dito ang aspeto ng pamana (heritage) at kultura. Tahasan nating tumbukin, kung gayon, ang larangan ng ekonomiya, sosyo-kultural, kalikasan, at maging ang mabuting pamamahala o good governance. Walang pasubali na dapat isaalang-alang ng kinauukulan ang mga pundamental na prinsipyo ng karapatang pantao, pagkakapantay-pantay, at sustainability na tutugon sa makabuluhan at kabutihang interes ng publiko. ************ Introduksiyon Sipatin natin ang pag-usbong at pagsulong ng kasaysayan at kultura ng Probinsiyang Rizal. Lingunin natin ang nakaraan habang nililimi ang kasalukuyang kalagayan nang may-pag-asam para sa mainam na kinabukasan. Anupa’t ang sustenadong kaunlaran o sustainable development ang nasa pinakaubod ng ating paksa. Kapag pinag-usapan ang pagsusulong ng kaunlaran ay huwag sanang malimita lamang ang pansin sa pagbibilang ng hantad na mga pisikal na istruktura, imprastraktura, o proyekto. Ayaw nating masilaw ang paningin, ni malihis ang ating pokus. Bagkus, namnamin natin ang sustansiya’t kabuluhan ng mga ito. Sisirin natin ang kaibuturan ng mga bagay-bagay. Totoong isa sa mga sukatan ng kaunlaran ng lipunan at pamayanan ay ang mga pisikal na istrukturang nakabantad sa paningin ng madla. Nguni’t hindi ito ang ultimong pamantayan. Ang dapat ay timbangin natin ang kabuluhan ng mga ito sa aktuwal na pamumuhay ng madla. Sa praktikal na pananaw ay kilatisin natin kung ang pinagkagastusan ng gobyerno ng napakalaking halaga ay ultimong nagsilbi sa kapakanan ng maliliit, ng nasa laylayan ng lipunan. Natugunan kaya ang esensiyal nilang pangangailangan? Nadagdagan ba ang pagkain sa mesa 1