Mula Teksto tungong Konteksto: Panimulang Pagdalumat sa mga Hamon at Estratehiya sa Pagsasaling - wika Kevin Dy E. Morong Isa sa pinamakamabisang kasangkapan tungo sa pagkakaunawaan ay ang wika. Ngunit, bakit mayroon pa ring nagaganap na hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mga pangkat ng mga taong nakatira sa iisang bansa? Ang artikulong ito ay magbibigay sulyap sa iba’t ibang hamon na kinahaharap ng mga tagasalin sa pagsasalin ng teksto mula sa isang wika patungong ibang target na wika. Tatalakayin din ng papel na ito ang iba’t ibang mga estratehiya para sa mabisang pagsasalin mula sa paningin ng isang mag – aaral sa wika at panitikang Filipino, na nagbibigay – diin sa kalagahan ng pagpapanatili ng kahulugan at pagsasaalang – alang ng konteksto ng simulaang akda at wika. Ang proseso ng pagsasalin ay isang mabisang pagdulog na ginagamit ng mga iskolar upang maitaguyod ang pagkakaunawaan sa kabila ng pag – iral ng marami ang iba’t ibang wika sa mundo. Ayon sa mga dalubwika, ang pagsasalin ay ang paglalahad sa tumatanggap na wika ng pinakamalapit na natural na katumbas ng mensahe ng simulaang wika, una’y sa kahulugan at pangalawa’y sa estilo. Dagdag pa, ito ay isang prosesong komunikatibo na nagaganap sa loob ng isang kontekstong panlipunan. Mula sa kahulugan na ito, maituturing natin na ang kahulugan at konteksto ay mahahalagang bagay na dapat isaalang – alang sa proseso ng pagsasalin. Kung titingnan at iisipin, madali lang ang pagsasalin. Madali nga ba? Sa pagsasalin, kagaya ng ibang lingguwistikong gawain ay nahaharap din sa iba’t ibang hamon. Ilan sa mga ito ay ang suliraning panglingguwistika at suliraning pangkultura. Sa aspektong pangligguwistika, isa sa mga hamon ng pagsasalin ay ang kaibahan ng mga ayos ng pangungusap o sintaks ng dalawang wikang kasangkot. Halimbawa na lamang ng wikang Ingles at Filipino, na kung saan sa wikang Ingles ay nauuna ang simuno sa panaguri ngunit kung titingnan ang balarilang Filipino, nagiging baliktaran ang mga ito sapagkat sa karaniwang ayos ng wikang Filipino ay nauuna ang panaguri sa simuno. Dagdag pa, flexible ang Filipino, na kahit mauna man ang simuno sa panaguri o ang panaguri sa