ISSN (Online): 2455-3662 EPRA International Journal of Multidisciplinary Research (IJMR) - Peer Reviewed Journal Volume: 10| Issue: 4| April 2024|| Journal DOI: 10.36713/epra2013 || SJIF Impact Factor 2024: 8.402 || ISI Value: 1.188 2024 EPRA IJMR | http://eprajournals.com/ | Journal DOI URL: https://doi.org/10.36713/epra2013 ------------------------------------------------------------ 298 LAWAK NG BOKABULARYO AT ANTAS NG PAG-UNAWA NG PILING PAMPUBLIKONG MAG-AARAL SA FILIPINO Christian R. Sunio 1, 3 , Dr. Rodel B. Guzman 2, 3 1 Don Mariano Marcos High School 2 College of Education, Isabela State University – Echague 3 Central Graduate School, Isabela State University-Echague Article DOI: https://doi.org/10.36713/epra16434 DOI No: 10.36713/epra16434 ABSTRAK Isinagawa ang descriptive-correlational na pag-aaral na ito upang suriin ang ugnayan sa pagitan ng lawak ng bokabularyo at antas ng pag-unawa ng piling pampublikong mag-aaral sa Filipino 9. Nakabatay ito sa paniniwalang ang kakayahan ng mga mag-aaral na bigyan ng angkop na kahulugan ang mga terminong binabasa ay mayroong malaking impluwensiya sa kakayahan nitong unawain ang kabuuang mensahe ng teksto. Natuklasan mula sa pag-aaral na karamihan sa mga mag-aaral ay nasa antas na pagkabigo o frustration sa kasanayan sa bokabularyo habang nasa lebel naman na instructional sa antas ng pag-unawa. Napatunayan sa pananaliksik na mayroong sapat na ebidensiyang estadistika upang masabing mayroong makabuluhan at direktang ugnayan ang kasanayan sa bokabularyo at antas ng pag-unawa ng mga mag-aaral. Nangangahulugan ito na ang pagkakaroon ng mga mag-aaral ng sapat na kakayahan upang bigyang kahulugan ang mga terminong ginagamit sa teksto ay nakatutulong upang higit na mapataan ang antas ng pag-unawa. Dahil dito, iminumungkahi ang pagsasagawa ng interbensiyon upang mapaunlad ang kasanayan sa bokabularyo ng mga mag-aaral. URING SALITA: Kasanayan sa Bokabularyo, Komprehensiyon, Antas ng Pag-unawa, Frustration Level, Instructional Level INTRODUKSIYON Makabuluhan ang gawaing pagbasa sa mga mag-aaral at sa kabuuan ng miyembro ng lipunan. May kasiyahang matatamo sa pagbabasa. Gayundin, may karunungang natatamo sa gawaing ito. Ang pagbabasa ay maaaring pampalipas oras o isang paraan ng paglilibang. Ang pagbabasa ay nakatutulong upang makadama ang sinoman ng tuwa sa mga panahong sila ay nalulumbay o tawa sa mga pagkakataong nakadarama ng pagkabagot ang tao. Bukod sa sanhi ito ng panandaliang mga positibong emosyon, maaari rin itong magdulot ng aral sa tao. Naglalaman ang iba’t ibang babasahin ng makabuluhang mga aral sa buhay. Sa kabilang dako, instrumento rin naman ang pagbabasa sa pagtatamo ng karunungan. Ang mga tekstong pampanitikan, mga tekstong ekspositori mula sa iba’t ibang disiplina o karungan ay nagtataglay ng mga karunungan at impormasyong kinakailangan ng tao sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay. Sa kasaysayan ng bansa, maraming beses ng naitampok ang kasanayan sa pagbabasa bilang sangkap ng karungan. Dahil dito, mahihinuha ang paliwanag ni Adigue (2023) na nakatutulong nang malaki sa pag-unawa, pagpasa ng kultura at kaalaman ang pagbasasa. Ang pagbabasa ay ang proseso ng pagbibigay ng kaukulang kahulugan sa mga nakalimbag na simbolo (Badayos, 2016). Isa itong prosesong mental at kognitibo na kailangang pagtuunan ng pansin. Ang mambabasa ay kailangang makapagbigay ng angkop na kahulugan ng tekstong binabasa upang masabing tagumpay ang prosesong pinagdaanan. Sa kabila nito, isang katotohanan na hindi pare-pareho ang paraan ng pagpapakahulugan ng bawat mambabasa. Dahil ayon kay Goodman, ang pagbabasa ay isang psycholinguistic guessing game. Nangangahulugan ito na kahulugan ng isang teksto ay nakapedende sa kakayahan ng mambabasa na laruin at hulahan ang mga kahulugang dala-dala ng nakalimbag na simbolo. Ayon naman kay Coady, ang kakayahang umunawa ay apektado ng schema o karanasan ng mambabasa sa wika at paksa ng teksto. Nangangahulugan ito na dahil iba-iba ang karanasan, may mga pagkakataong iba-iba rin ang paraan ng pag-unawa ng mambabasa (Guzman, et al., 2015). Sa kasalukuyang estado, sapat ang mga pag-aaral na mahina ang mag-aaral na Pilipino sa kasanayan sa pagbasa. Sa panahon ngayon ay marami ang mag-aaral na may nahihirapan sa pag- unawa at may mababang kasanayan sa mga teksto na nagiging dahilan ng kawalan ng interes ng pag-aaral. Litaw sa mga pagtataya ang suliranin sa komprehensiyon ng mga mag-aaral na Pilipino. Sa report na inilabas ng PISA (Programme for International Student Assessment) noong 2019, natuklasan na sa 79 na bansang kalahok sa pagsusulit, ang Pilipinas ang may pinakamababang puntos sa antas ng komprehensiyon sa pagbasa (San Juan, 2019). Sa huling datos ng PISA noong 2022, hindi pa