PAANO MANGASIWA SA SILID-ARALAN SA PAARALANG WALANG SILID ISANG PAGDALUMAT Roy L. Sanot, LPT 1 , Jun Y. Badie, LPT, PhD 2 1 Upper Bunawan Integrated School, Department of Education, Division of Sultan Kudarat, Philippines 2 Notre Dame of Marbel University, City of Koronadal, Philippines https://doi.org/10.5281/zenodo.15505270 ABSTRACT Pangunahing layunin ng pag-aaral na ito ang matuto mula sa mga danas ng mga guro sa pangangasiwa sa silid-aralan sa mga pampublikong paaralan ng Rehiyon Dose na walang silid. Gumamit ito ng kwalitatibong pagdalumat sa pamamagitan ng tematikong pagsusuri upang mailarawan ang mga paraan ng pangangasiwa, uri ng pangangasiwa, paghahanda, mga hamon, mga estratehiyang tugon sa mga ito, makabuluhang karanasan, at mga aral na natutuhan ng mga guro mula sa karanasang ito. Batay sa tematikong pagsusuri, lumitaw na kahit walang silid-aralan, matagumpay pa ring naipatupad ng mga guro ang epektibong pangangasiwa sa klase. Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng malinaw na alituntunin, maayos na pag-aayos ng upuan, pagbibigay ng responsabilidad sa mga mag-aaral bilang opisyales at tagalinis, paggamit ng mga angkop na estratehiya, at ugnayan sa kapuwa guro. Sa kabila ng mga hamon tulad ng ingay, klima, at pag-uugali ng mga mag-aaral, napagtagumpayan ito sa tulong ng disiplina, paggalang, kolaborasyon, at inobasyon gaya ng paggamit ng lapel. Ipinakita rin ang kahalagahan ng emosyonal na suporta, malinaw na komunikasyon, at positibong ugnayang guro-mag-aaral. Sa mga danas ng guro, naipamalas ang tiyaga, pagmamahal sa pagtuturo, at kasiyahan sa pag-unlad ng mag-aaral. Bunga nito, nabuo ang 7K Modelong Balangkas bilang gabay sa mabisang pangangasiwa sa silid-aralan, lalo na sa mga alternatibong espasyo, at sa paggawa ng mga patakarang sumusuporta sa kahusayan, kahandaan, at katatagan ng mga guro. Keywords: pangangasiwa, paaralang walang silid, pampublikong paaralan, Rehiyon Dose, 7K Modelong Balangkas