American Journal of Humanities and Social Sciences Research (AJHSSR) 2025 AJHSSR Journal Page | 337 American Journal of Humanities and Social Sciences Research (AJHSSR) e-ISSN : 2378-703X Volume-09, Issue-06, pp-337-360 www.ajhssr.com Research Paper Open Access Pagsusuri sa mga Awiting Filipino Tungo sa Pag-unawa sa Modernong Kultura ng Panghaharana Andriana Jean V. Cagas 1 , Elealeh Suan-Timosa, MAEd 2 1 (Institute of Teacher Education, Kapalong College of Agriculture, Sciences and Technology, Philippines) 2 (Institute of Teacher Education, Kapalong College of Agriculture, Sciences and Technology, Philippines) ABSTRAK: Ang kwalitatibong pananaliksik na ito ay isang pag-aaral tungkol sa mga makabagong awiting Filipino na sumasalamin sa kultura ng modernong pamamaraan ng panliligaw sa kasalukuyan. Layunin nitong suriin ang mga linggwistikong elemento na makikita sa mga liriko ng makabagong awiting Filipino mula sa mga taong 2020-2024 gamit ang Kritikal na Diskursong Pag-aanalisa ni Fairclough (1995), gayundin ang pag- aanalisa sa iba’t ibang uri ng semantikong kahulugan na tinataglay ng mga kanta gamit naman ang Semantikong Teorya ni Leech (1974). Ginamit sa pag-aaral na ito ang kwalitatibong disenyo ng pag-aaral gamit ang dikursong pagsusuri bilang dulong upang suriin ang limampu’t isang (51) piling mga makabagong awiting Filipino na nagsilbing korpora sa pag-aaral. Ipinakita ng mga resulta na ang mga makabagong awiting Filipino ay naglalaman ng pitong (7) linggwistikong elemento na namukod sa ginawang pagsusuri: ang tugma, anapora, epipora, aliterasyon, asonansiya, metapora at slang. Dagdag pa, may pitong (7) aspekto naman ng semantikong pagpapakahulugan ang namukod sa ginawang pagsusuri: ang konseptwal na kahulugan, konotatibong kahulugan, panlipunang kahulugan, emosyonal na kahulugan, replektibong kahulugan, kolokasyonal na kahulugan, at tematikong kahulugan. Makikita rin sa pag-aaral na ito ang iba’t ibang tema at mensahe na siyang tampok sa mga piling makabagong awiting Filipino mula sa mga taong 2020-2024. Ang pag-aaral na ito ay nag- aambag sa mas malalim na pag-unawa sa mga piling makabagong awiting Filipino bilang isang uri ng pagpapahayag ng damdamin gamit ang mga linggwistikong elemento at pagtatampok sa iba’t ibang uri ng semantikong kahulugan na sumasalamin sa modernong kultura ng panghaharana. Mga Susing Salita: linggwistikong elemento, semantikong pagpapakahulugan, makabagong awiting Filipino, modernong kultura ng panghaharana, diskursong pananaliksik I.INTRODUKSYON Ang harana o panghaharana ay isang tradisyonal na paraan ng panliligaw na kung saan ang mga lalaki ay nagpapakilala at nanliligaw sa babaeng kanilang hinahangaan sa pamamagitan ng pag-awit ng mga awiting nagpapahiwatig ng kanilang pagkagusto at paghanga sa dalagang nakadungaw sa bintana sa ilalim ng gabi. Bahagi na sa kultura ng mga Pilipino ang pagsasagawa ng harana bilang daan ng panliligaw o panunuyo at mayroong hangarin na maipahayag ang tunay at wagas na pag-ibig sa babaeng sinisinta. Nag-aalay ng awiting pag-ibig upang matagumpay na mahimok ang dalagang nililigawan na tumugon sa kantang inaawit na siyang magiging hudyat sa matagumpay na panghaharana. Bagaman, dala ng malawakang pag-usbong ng modernisasyon, ang kultura ng panghaharana ay tuluyang nagbago rin. Ang modernong paraan na mas nagpapadali sa pakikipag-ugnayan ng mga tao gamit ang social media at iba’t ibang ng teknolohiya, ang siyang dahilan kung bakit naging bihira na ang panghaharana bilang paraan ng panliligaw sa kasalukuyan. Hindi na kinakailangan ang personal na presenya dahil sa pamamagitan ng mensahe, tawag at video call, naipapahayag na ng mga tao ang kanilang damdamin (Suyat et al., 2023; Noval, 2022). Sa bansang Taiwan, isang pag-aaral ang isinagawa patungkol sa impluwensiya ng mga modernong awiting patuloy na sumisikat sa kasalukuyan, na nagpapahayag ng iba’t ibang mga konteksto. Naging problema rito ang pag-unawa sa semantikong pagkakahulugan sa katangian ng mga lirikong nakapaloob sa mga makabagong awitin. Ang mga hamong ito ay nakabatay sa pagpapahayag ng iba’t ibang mga emosyon, gaya ng pagkagulat, kasiyahan, pananabik, pagkagalit, at kalungkutan, kasama na rin ang mga awiting nagpapahayag ng konteksto ng pag-ibig at pakikipagrelasyon. Dahil sa iba’t iba at halo-halong pagkakahulugan na isinasaad sa isang kanta, nagkakaroon ng kalituhan sa pangunahing tema na ipinapahayag ng nasabing kanta. Lalo na’t karamihan sa mga awiting ito ang siyang ginagamit ng mga tao sa kasalukuyan upang ipahayag nila ang