Bryan L. Viray Sipat-Tanaw sa pabasa ng pasyon sa pook Krus na Ligas MA Anthropology Sipat-Tanaw sa pabasa ng pasyon sa pook Krus na Ligas Indibidwal at Kultura Nàsa ng aking maikling papel na makapag-ambag sa usapin ng culture-making na nakatuon sa ahensya o indibidwal. Kung paanong ang konstruksyon ng mga kultura (cultures) ay apektado ng tao at lipunan. Kung anu-ano ang proseso ng pagbabagong nagaganap sa bawat kultura. At mula sa pagbabago o muling pag-imbento nito ay paanong tinatanggap o tinatanggihan ito ng nakasanayang sistema. Samakatuwid, inspirasyon ng papel ang kultura bilang adaptive, emergent, at self-generating. “People may not consciously plan their culture, but they do confront problems of living on a daily basis, “ ayon kay Richard J. Perry (2003). Patunay ito na ang mga nabuong kultura na nabalisa sa paglipas ng panahon ay bukas na bukas sa kung ano pa mang muling pagbubuo na umaangkla sa pagbabagong panahon. Idagdag pa, “…culture is certainly the creation of human beings.” (Perry 2003). Sa gayon, interesado ang aking pag- aaral sa pagsumpong kung ano ang papel na gampanin ng indibidwal sa konstruksyong ito ng kultura. Paano sila gumagalaw? May talaban ba halimbawa sa pagitan ng nakasanayan na o dating nabuong kultura at papasibol na sistema? Paano ang porma ng talaban o kaya aktuwalidad ng negosasyon? Sa mga kataga halimbawa ni Gregory Bateson, paanong ang mga indibidwal ay nagiging “energy sources” upang makapagdulot ng karaniwang ugoy o dili kaya‟y galaw ng kultura.