Tsapter 1 INTRODUKSYON Guro ang susi sa lahat ng suliranin ukol sa mabisang pagtuturo. Kung baga sa isang manggagamot, nararapat pulsuhan ng guro ang kanyang mga mag-aaral, damhin at pakinggan ang tibok ng kanilang puso, pag-aralan ang sanhi ng kanilang karamdaman bago lapatan ng kaukulang lunas. Ayon kay Papham (1980), malaki ang tungkuling ginagampanan ng guro sa pagpapaunlad ng mga kakayahang taglay ng mga mag-aaral. Ang ang kanyang impluwensiya sa lipunan at sa paghubog ng mga kakayahan ng mga mag-aaral ay hindi matatawaran kailanman. Bilang magulang, siya ang nagsisilbing uhay sa pagpapalago at pagpapayabong ng anumang kakayahan mayroon ang mga mag-aaral. Sa napakalaking pananagutang ito, nararapat lamang na taglay ng guro ang mga katangiang tunay na papatnubay sa kanyang mga tinuturuan upang magabayan ang mga ito nang lalong malinang ang kakayahan at abilidad upang maging epektibo hindi lamang sa silid-aralan kundi higit sa lahat, maging huwaraan, epektibo at maging malaya sa pakikilahok sa kanyang lipunang patuloy na nagbabago. [Experiential Learning Course Handbook] Si Richards (1992) ay nagsabing ang epektibong guro ay malikhain. Ang kanyang klase ay masigla, kawili-wili at laging may bagong gawain. Hindi lamang ang magpunla at magkintal ng impormasyon o prinsipyo ang hangarin, kundi higit sa lahat, ang ninanais ay matulungan ang mag-aaral na mapabuti ang buhay. Dagdag pa ni Hendricks (1998), nasusukat ang pagiging epektibo ng isang guro sa gawain, kaasalan at saloobin ng kanyang tinuturuan. Ito ang resulta ng kanyang mga gawain sa klase. Ito ang batas ng edukasyon.