Sipi mula sa “Representasyon ng Kulturang Pilipino sa Tatlong Pelikulang Animasyon” ni Perry Neslynn H. Duran Kabanata 2: KASAYSAYAN NG ANIMASYON A. Maikling Kasaysayan ng Animasyon Bago ito Dumating sa Pilipinas Kapag sinabing animasyon sa panahon natin ngayon, maraming bagay ang napapaloob dito tulad ng mga komersyal na mapapanood natin sa telebisyon. Meron ito sa ating mga kompyuter kapag nakikita natin ang paggalaw ng logo ng Microsoft at sa paglalaro ng mga computer games. Ngunit, maging sa labas ng ating mga tahanan ay makikita natin ito tulad sa mga modernong stoplight ngayon kung saan makikita natin ang paggalaw ng mga paa ng pigura ng isang taong kulay berde na nagbibigay senyales na pwede nang tumawid. Sabi nga sa depinisyon ng animasyon, ito ay serye ng mga larawan na pinagtagpi-tagpi upang makagawa ng isang ilusyon na ang larawan pinapakita ay gumagalaw at tila may buhay. Ngunit, bago marating ng animasyon ang stado na meron nito ngayon, nagdaan muna ito sa iba’t ibang pagbabago. Samakatuwid, may mayaman itong kasaysayan na magbibigay sa atin ng kaalaman kung papaano ito napagbuti sa pagdaan ng panahon. Sinasabing ang sinaunang anyo ng animasyon noong unang panahon ay nagmula sa pagkakaimbento ng Thaumatrope. Ito ay naimbento ng doktor na si John Paris bilang isang laruan noong kalagitnaan ng dekada ng 1820. Isa itong laruan kung saan may dalawang imahe sa magkabaliktarang bahagi ng isang disko at may dalawang lubid sa gilid nito kung saan pwedeng itong iikot. Ang konsepto nito ay makikita sa isang barya na umiikot na parang trumpo kung saan nagiiba iba ang imahe dahil sa nagpapalit palit na mga larawan.