1 Asian Perspectives in the Arts and Humanities 3.2 (2013): 1–26 Loob at Kapwa: Mga Unang Hakbang Patungo sa Isang Pilipinong Birtud-Etika Gamit si Sto. Tomas de Aquino Jeremiah A. Reyes ABSTRACT In this article we introduce a Filipino Virtue Ethics, or an Ethics of “Loob” and “Kapwa” using the comprehensive philosophical resources of Aqui- nas, on the one hand, and the research of Filipino scholars, on the other. The result is a virtue ethics that is thoroughly relational and inter- personal, in contrast with the more individual-based Thomistic ethics or modern ethical systems. This new systematization of concepts allows for a greater depth of interpretation of popular Filipino “values” (which we insist are in fact “virtues”) such as “kagandahang loob,” “utang na loob,” “bahala na,” “lakas ng loob,” and “hiya,” an interpretation which enables us to bring out their truly positive characteristics. KEY WORDS: Filipino Philosophy, Aquinas, Loob, Kapwa, Virtue Ethics Sa akdang ito nais kong gumuhit ng isang Pilipinong Birtud-Etika o kung babanggitin ang dalawang pangunahing konsepto nito, isang Etika ng Loob at Kapwa. Ang unang hakbang para dito ay ang pag-tukoy sa mahahalagang pagkakahawig ng Pilipinong konsepto ng “loob” sa dalawang konsepto ni Sto. Tomas de Aquino, ang “anima” at “virtus.” Ang paghahambing na ito ay inaasahang magpapalalim at magpapalinaw sa ating pag-unawa ng konsepto ng loob, lalong lalo na dahil matagal na ring nagsikap ang ating mga sariling pilosopo na bigyan ang konsepto ng loob—at ang mga kaakibat nitong konsepto katulad ng “utang na loob,” “kagandahang loob,” at “lakas ng loob”—ng isang pinong pilosopikal na paglalawak. Sa aking pagtatalakay, nais kong hamunin ang pang- karaniwang paglalarawan sa loob, bilang isang mahinang bersyon ng “interiority” na kung isipin ng ilan ay may kinalaman sa “interiority” o “subjectivity” na matatagpuan sa Kanluraning pilosopiya, halimbawa, sa