         1 KASAYSAYAN NG CYBERSPACE, KASAYSAYAN SA CYBERSPACE: PANIMULANG PAGTANAW SA KARANASANG PILIPINO     I. PANIMULA Ilang taon pa lamang ang nakalilipas, kapag may takdang aralin o pananaliksik na ukol sa kasaysayan, ang unang pinupuntahan ng mga estudyante ay ang bolyum-bolyum na ensiklopidya sa mga aklatan o tahanan. Sa panahon ng bagong milenyo, ang unang pupuntahan ng estudyante ay ang harapan ng kompyuter, at sa isang click lang, maaari na niyang makuha ang impormasyon na hinahanap sa malawak na pook ng cyberspace. Titingnan ng pag-aaral ang naging pag-unlad ng internet sa Pilipinas mula nang magsimula ito noong Dekada 1990, hanggang sa paglipana ng mga personal na blog at demokratisasyon ng pagbabahagi ng kaalaman dito isang dekada lamang ang makakaraan. Bibigyang diin sa pamamagitan ng Kapanahong Kasaysayan, ang kahalagahan ng cyberspace bilang salamin ng kaisipan ng mga mamamayan, lalo na ng mga kabataan, at bilang mayaman na batis ng kasaysayan ng ating panahon. Ipapakita rin ang cyberspace bilang sisidlan ng mga salaysay (narratives) ng nakaraan ng mga Pilipino at ang bisa at limitasyon nito sa pag-aaral, pananaliksik, at pagtuturo ng kasaysayan. Sa panimulang pagtanaw na ito, makikita sa kasaysayan ng cyberspace at ng kasaysayan sa cyberspace ang katotohanan na ang kasaysayan ay para sa lahat. Gayundin ang katotohanan na ang lahat, kapwa ang mga dalubhasa, may hilig, interes, at estudyante ng kasaysayan, ay may pagkakataong makibahagi sa pagsusulat at paglikha ng kasaysayan. Makikita rin na maaaring maiintindihan ang batayang kultural ng cyberspace sa Pilipinas kung titingnan ito sa ating sariling konsepto ng Kapwa at Kapatiran, tungo sa tunay na Talastasang Bayan, at pagbubuo ng Sambayanang Pilipino sa loob at labas ng sangkapuluang ito. Gamitin ng lubos ang magagandang dulot nito sa talastasan subalit maingat pa rin sa mga panganib na dala- dala nito. II. CYBERSPACE SA KAPANAHONG KASAYSAYAN ii Ayon sa pangulo ng UP Lipunang Pangkasaysayan na si Ayshia F. Kunting sa aming pakikipagtalastasan, ang pag-aaral ng kasaysayan ng cyberspace at kasaysayan sa cyberspace ay kamangha-mangha, “It’s the thing of the present, don’t know how to say it... Ü” Ngunit kung ang cyberspace ay isang penomena ngayon, paano ito magagamit bilang batis ng kasaysayan ng kasalukuyan at mentalidad ng mamamayan sa mga pangyayari ngayon? Para sa tradisyunal na historia, kailangan ng maraming taon na distansya sa mga pangyayari para mas obhektibong matingnan ito. Maaaring emosyonal pa ang magiging salaysay na mabubuo.