Mga uri ng kalamidad at mga kailangan paghahanda na dapat gawin August 7, 2012 by DZRD Newscenter Leave a Comment BAGYO Ang bagyo ay isang malakas na hanging kumikilos ng paikot, na madalas ay may kasamang malakas at matagal na pag-ulan. Ang bagyo ay isang higanteng buhawi. Sa mata ng bagyo ay walang hangin subalit malakas naman ang hangin sa eyewall nito. Public Storm Warning Signal (PSWS) – ang PSWS ay mga babalang ipinalalabas ng PAGASA upang malaman kung gaano kalakas ang paparating na bagyo, saan ang lokasyon nito sa oras na inilabas ang PSWS, saan ang tinatayang dadaanan nito, at ano ang mga paghahandang dapat o maaari pang maisagawa ng mga komunidad na maaapektuhan ng pagdaan ng bagyo. • PSW Signal Number 1 – hanging may lakas mula 30-60 kph. Inaasahan ang bagyo sa loob ng 36 oras. • PSW Signal Number 2 – hanging may lakas mula 61-100 kph. Inaasahan ang bagyo sa loob ng 24 oras. • PSW Signal Number 3 – hanging may lakas mula 100-185 kph. Maaasahan ang pagdating sa loob ng 18 oras. • PSW Signal Number 4 – napakalakas na hanging hihigit sa 185 kph at maaasahan sa loob ng 12 oras. Mga dapat gawin BAGO dumating ang bagyo: 1. Ihanda ang radyo, flashlight at ekstrang baterya; 2. Maghanda ng pang-emergency na pagkaing hindi agad nasisira (katulad ng de-lata at biskwit), lalagyan ng tubig, first-aid kit o gamit at gamot na pang-unang lunas, at mga plastik na supot; 3. Tiyaking mabuti na makakayanan ng bubong at mga bintana ng bahay ang malakas na ihip ng hangin (para sa mga kabahayan sa maralitang komunidad, tiyakin din na kakayanin ng haligi at dingding ang lakas ng hangin sa pamamagitan ng pagtatali o pagpapako ng maayos sa mga ito); at 4. Putulin ang mga mahahabang sanga ng mga punongkahoy na malapit sa bahay. Mga dapat gawin HABANG may bagyo: 1. Ugaliing makinig sa radyo o manood ng TV para sa regular na anunsyo o babala tungkol sa kalagayan ng bagyong paparating o kaya naman ay makibalita sa mga kapitbahay; 2. Siguraduhing may mga gamit pang-emergency na nakalagay sa lalagyang hindi nababasa; 3. Punuin ang lalagyan ng tubig, ilagay sa plastik na supot ang mga ekstrang damit, mga delata, kandila, posporo, baterya, at iba pang mahahalagang gamit; 4. Mag-ingat sa mata ng bagyo. Ito ang biglang pagtigil ng hangin at ulan at kalmado ang paligid sa isang lugar. Hudyat ito na pagkaraan ng halos 2 oras ay babalik ang mas malakas na hangin at ulan; 5. Manatili sa loob ng bahay hanggang matapos ang bagyo; at 6. Kung kinakailangang lumikas, tiyaking nakapatay ang kuryente ng bahay, nakasara ang tangke ng gas, at nakasusi ang pinto. Huwag kalimutan ang mga gamit pang-emergency. BAHA 1. Pagtaas ng tubig nang higit sa kapasidad ng ilog at ibang daluyan na ang resulta ay pag-apaw nito sa kapatagan. 2. Ito ay dulot ng labis na pag-ulan, biglaang pagbuhos ng ulan o thunderstorm, pagka-ipon ng tubig dahil sa pagbabara ng mga daluyan ng tubig, at tuluy-tuloy na pag-ulan sa loob ng ilang araw. FLASHFLOODS 1. Rumaragasang agos ng tubig na may kasamang putik, bato, kahoy, at iba pa. 2. Mabilis ang pagdating nito at mabilis din ang paghupa. 3. Maaaring sanhi ito ng pagkakalbo ng bundok at pagmimina (kagaya ng dahilan kung bakit naging mapaminsala ang bagyong Ondoy). Ano ang maaaring gawing paghahanda BAGO ang pagbaha? Alamin ang warning system at signal sa inyong barangay o munisipyo. Obserbahan ang sitwasyon ng lugar at makinig sa ulat ng panahon mula sa PAGASA. Pakinggan ang opisyal na warning signal na ibibigay ng kagawad na sumasakop sa lugar. Ihanda ang mga pangunahing kakailanganin sa paglikas tulad ng damit, kumot, pagkain, maiinom na tubig, gamot, posporo, kandila, flashlight, radyong de-baterya, banig, at iba pa. Maiging nakabalot ang mga ito sa plastik. Itago o ilagay sa plastik ang mga mahahalagang dokumento at papeles. Mag-imbak na ng malinis na inuming tubig. Siguraduhin na magkakasama ang lahat ng miyembro ng pamilya at ihanda ang bawat isa sa anumang mangyayari. Alamin ang pinakamalapit na evacuation center at ang pinakamalapit na daan patungo rito. Maghintay sa warning signal na ibibigay ng kagawad tungkol sa paghahanda sa paglikas at sa mismong paglikas. Makipag-ugnayan sa nakatalagang kagawad kung nais nang lumikas patungo sa kamag-anak sa ibang barangay upang maitala.