1 Protesta at Pag-asa: Buháy na Mensahe ng mga Propeta at Makabayang Awit-Protesta ni Ferdinand D. Dagmang De La Salle University, Manila Ang papel na ito ay bunga ng isang pananaliksik tungkol sa mga makabayang awit-protesta na nakalap noon sa isa kong klase sa Justice and Liberation, taong 1996; kasama sa buong koleksiyon ay mga awit-protesta sa panahon ng Hapon at huling yugto ng dekada 90 hanggang sa kasalukuyan. Sa pag-aaral na ito, iuugnay ko ang mga makabayang mensahe ng mga Pinoy na mang-aawit sa mga mensahe ng mga propeta sa Bibliyang Hudyo; mala-propeta din kasi ang mga katangian ng mga Pilipinong makabayang mensahe. Inaasahan na lilitaw mula sa mga makabayang awit-protesta ang ka- mukhang kahulugan kung itatabi ang mga ito sa mga kuwento ng mga propeta sa Bibliya. Ang pagtatabing ito ay pag-uugnay ng magkakamukhang mensahe—mga mukha ng protesta at pag-asa. Sa ugnayang pagkakamukha, ang pagkakatulad ang binibigyan ng diin at hindi ang pagkakaiba. Sa ganitong paraan, inaasahan kong maitampok ang isang walang humpay na daloy ng kasaysayan ng mga protesta at pag-asa sa buong mundo. Ilang mahahalagang kabanata sa buhay ng mga Hudyo ay ang paglitaw ng mga propeta. Mapapansin na hindi sila laging kasama sa lahat ng kuwento sa Bibliya. Lumilitaw lamang sila kung kinakailangan. Ito ang ilang situwasyon ng kanilang paglitaw: kung may krisis sa nakagawiang buhay panlipunan, kung may grabeng problema ang pamayanan, kung masalimuot ang panlipunang sitwasyon, kung may mga naaapi at may nang-aapi. Ganito din ang mga situwasyon ng paglitaw ng mga Pilipinong kompositor ng awit-protesta dito sa ating bayan. Mala-propeta din ang kanilang paglitaw. Lumilitaw sila kapag ang bayan ay nasa krisis o haghihirap sa gitna ng iba’t-ibang uri ng krisis. Ang mga mensahe nila ay sumasalamin din sa mga panlipunang krisis at problemang nadadamay ang maraming Pilipino. Ilan sa mga nagdadala ng mala-propetang mensahe ay ang mga awit-protesta at awit-pag-asa na binuo ng maraming kompositores sa iba’t-ibang panahon sa kasaysayan ng Pilipinas. Titingnan ko ang ilang halimbawa ng awit-protesta/pag-asa mula dekada ’40 hanggang sa kasalukuyan. Lumilitaw sa mga komposisyon ang mga krisis sa buhay ng lipunan, ang mga hamon, pagtuligsa sa kinauukulan, at ang paghahandog ng positibo o alternatibong pananaw. Malinaw sa mga mensahe ang pagbabandera ng mga pambayang tema na nagsisilbing liwanag sa mga mensaheng protesta at pag-asa para sa bayan.