MST Review (Introductory Issue 1996), pp.66-90 Hiya: Daan at Kakayahan sa Pakikipagkapwa ni Ferdinand D. Dagmang, Ph. D. I. Panimula Karaniwang isinasalin sa wikang Ingles ang “hiya” bilang shame, embarrassment, shyness, timidity, bashfulness at feeling inferior (Fox, 1956; Bulatao, 1964; Guthrie & Azores, 1968). Mapapansin sa mga pagsalin na ang natututukan (natutuka) ay ang nangyayari o nabubuo/nananatiling damdamin sa loob ng tao. Ang lumilitaw sa mga pagsalin ay ang naramdamang hiya ng kung sinong napahiyang tao. Sa pokus na ito ay malimit na ang mababang kalidad o uri ng pagkatao ng napapahiya ang binibigyan ng pansin. Sa ganitong pagsalin/analisis ay nagsasabing ang “hiya” ay isang reaksiyon ng isang mahinang pagkatao. Kung ganoon, ang hiya, ayon sa kanila, ay hindi kakayahan kundi kahinaan. Ito rin ay hindi daan kundi balakid tungo sa katuparan ng pagkatao. May kasabihan na ang kahinaan ay ugat din ng kalakasan; at ang kalakasan ay kahinaan din. Kagaya ng kalambutan ng kawayan ay “lakas” ito pagdating ng bagyo. Ang katigasan naman ng punong lawaan ay nagiging dahilan ng kanyang pagkabali sa lakas ng nagpupuyos na hangin. Ang pag-aaral kong ito ay mag-aangat sa binanggit nina Enriquez at Marcelino na nagsabing ang hiya ay kagandahang asal din--propriety (1984). Tutukuyin ko pa na ang hiya ay isa ngang kalugod-lugod na daan at kakayahan sa larangan ng pagpapakatao o pakikipagkapwa-tao. Talagang lumayo ako sa mga nakasanayang analisis kagaya ng nabanggit na. Naniniwala ako na ang pagtutok sa iisang aspeto (kahinaan) ng kultura o ‘di kaya’y ethos (Griyego: ηθος at εθος, tingnan sa ibaba) ay para na ring pagsasawalang saysay sa katotohanang may iba’t ibang mukha ang kultura: ang maganda, medyo maganda, hindi maganda. Kaya bilang pagrespeto sa mga mukhang ito ng mga Pinoy ay lumalapit ako ngayon sa magandang panig nito. Kaya naman ang pagtalikod ko sa nakasanayang metodo ay hudyat din ng pagharap sa hindi nakasanayang pamamaraan na kumikilala sa kakayahan ng sariling Pinoy. Ang metodo na naniniwala sa paggamit ng mga banyagang panukat ay hindi ko ibinabasura, bagkus ay kinikilala ko rin ito bilang isang posibleng bukal ng maraming kabutihan para sa ating paglago o pagpapayaman ng kultura. Kagaya ng pag-inom ng antibiotics (halimbawa, kapag may tonsillitis) ay isang mabuti ring panlaban sa sakit o mikrobyo kahit na ito ay isang pag- inom o pagtanggap ng katawan sa isang “dayuhang” elemento. Subalit dapat ding alalahanin na hindi lamang ito ang paraan ng panggagamot ng tonsillitis. Sa karanasan ko (may apat akong anak na nagkaka-tonsillitis din) ang pag-iwas sa antibiotics at ang paglapit sa ibang paraan ng panggagamot ay napatunayan kong mabisa at kaayaaya. Imbis na antibiotics ay ang walang lubay na mga pagpapadama ng pagkalinga/pagmamahal sa pamamagitan ng paghilot/pagmasahe (kombinasyon ng reflexology, Swedish massage, shiatsu at mahihigpit at matatagal na mga yakap at maalab na pakikipagkuwentuhan--sa loob ng 24 oras ay mga 3-5 oras ang kailangan). Ang pamamaraang