LUPAIN NG TAGLAMIG Ni Yasunari Kawabata Salin ni Rogelio Sicat “NOON”: lipas na ang panahon ng panganib dahil sa mga pagguho ng yelo, dumating na ang panahon ng pag-akyat sa bundok sa kaluntian na tagsibol. Sa ngayon, mawawala ang mga sariwang gulay sa mesa. Si Shimamura, na nabubuhay sa kawalan ng magawa, ay nakatuklas na kung minsa’y nawawala ang katapatan niya sa sarili, at malimit siyang nagpupuntang mag-isa sa bundok upang mabawi rito ang kung anong bahagi nito. Bumaba siya sa nayon ng mainit na bukal pagkaraan ng pitong araw sa hangganan sa bundok. Nagpatawag siya ng isanggeisha. Gayunman, sabi ng katulong na babae, sa kasawiang-palad ay may selebrasyon nang araw na iyon bilang pasinaya ng isang bagong kalsada; napakaraming tao sa pagdiriwang kung kaya ang pinagsamang bodega ng cocoon at teatro ay inokupa, at hindi magkandatuto ang labindalawa o labintatlong geisha sa pagsisilbi sa mga tao. Ngunit baka sakaling makapunta ang babaeng nakatira sa titser ng musika. Kung minsan, tumutulong ito sa mga pagtitipon ngunit umuuwi na pagkaraan ng dalawa o tatlong sayaw lamang. Nang mag-usisa pa si Shimamura, nagkuwento ang katulong tungkol sa babaeng nakatira sa titser: ang titser ng samisen at ng sayaw ay may kasamang isang babae, Hindi geisha, ngunit kung minsa’y napapakiusapang tumulong sa malalaking pagtitipon. Dahil walang bata sa bayan na nagsasanaypara maging geisha, at dahil karamihan sa mga lokal na geisha ay nasa gulang na ayaw nang sumayaw, mahalaga ang serbisyo ng babae. Hindi siya kailanman dumarating na mag-isa para aliwin ang isang bisita sa otel, ngunit hindi rin naman siya matatawag na baguhan – sa pangkalahata’y ganito ang ikinuwento ng katulong. Kakatwang istorya, sabi ni Shimamura sa sarili, at ito’y kinalimutan niya. Gayunman, pagkaraan ng may isang oras, dumating ang babaeng nakatira sa titser ng musika, kasama ang katulong. Tumayo si Shimamura. Paalis na ang katulong ngunit tinawag ito ng babae. Nagbigay ang babae ng impresiyon ng lubos na kalinisan at kasariwaan. Palagay ni Shimamura ay malinis ito hanggang sa gilit ng mga daliri ng paa. Napakalinis nito kaya naisip niyang baka dinadaya siya ng kanyang mata nasanay ito sa katitingin sa maagang tag-araw sa kabundukan. May bagay sa pananamit ng babae na nagpapahiwatig ng isang geisha, ngunit hindi nito suot ang mahabang saya ng geisha. Sa halip, suot nito ang malambot at pantag-araw na kimono na nagbibigay ng anyong kagalang-galang. Mukhang mamahalin ang obi, hindi bagay sa kimono, at lihim siyang nalungkot. Tahimik na lumabas ang katulong nang magsimula silang mag-usap tungkol sa mga bundok. Hindi tiyak ng babae ang pangalan ng bundok na nakikita mula sa otel, at dahil hindi ganadong uminom ng alak si Shimamura na maaari niiyang maramdaman kung kasama ang isang oardinaryong geisha, sinimulang isalaysay ng babae ang nakaraan nito sa isang nakagugulat na paraang basta pakuwento lamang. Ipinanganak siya sa lupaing ito ng yelo, ngunit siya’y kinontra bilang geisha sa Tokyo. Di nagtagal, nakatagpo siya ng patron na nagbayad ng kanyang mga utang at nag-alok na tutulungan siyang maging titser ng sayaw, ngunit sa kasawiang-palad, namatay ito pagkaraan ng isa’t kalahating taon. Nang dumating sa punto ng kung ano ang nangyari mula noon, sa bahaging pinakamalapit dito, bantulot itong magkuwento ng kanyang mga sikreto. Sinabi ng babae na siya’y disinuwebe anyos. Akala ni Shimamura ay beinte uno o beinte dos ito at dahil ipinalagay niyang hindi ito nagsisinungaling, ang kaalamang maaga itong tumanda ay nagdulot sa kanya ng bahagyang kapanatagang inaasahan niyang madama sa piling ng isang geisha. Nang simulan nilang pag-usapan ang Kabuki, natuklasan niyang mas maraming alam ang babae tungkol sa mga aktor at estilo kaysa kanya. Nagkuwento ang babae na parang sabik sa isang tagapakinig, at di nagtagal, naging panatag ang loob nito na sa wakas ay naglantad dito bilang tagapaghatid ng aliw. At sa pangkalahatan, parang alam nito ang lahat ng dapat malaman tungkol sa mga lalaki. Gayunman, insip ni Shimamura na ito’y baguhan, at, pagkaraan ng isang linggo ng pag-akyat sa bundok na wala siyang nakausap kahit isa, natagpuan niya ang sariling naghahanap ng isang kasama. Pakikipagkaibigan, samakatuwid, at hindi ano pa man ang naramdaman niya sa babae. Lumawak ang naging damdamin niya sa kabundukan upang sakupin pati ang babae. Habang papunta sa banyo nang sumunod na hapon, iniwan ng babae ang tuwalya at sabob sa bulwagan at pumasok sa kanyang kuwarto upang kausapin siya. Kauupo pa lamang ng babae nang hilingin niya ritong ikuha siya ng isang geisha. “Ikuha ka ng geisha?” “Alam mo ang ibig kong sabihin.” “Hindi ako pumasok dito para utusan ng ganyan.” Bigla itong tumayo at lumapit sa bintana, namumula ang mukha habang nakatingin sa kabundukan. “Walang ganyang babae rito.” “Huwag mo na akong lokohin.” “Iyan ang totoo.” Mabilis itong bumaling upang humarap sa kanya, at pagkaraa’y naupo sa pasimano ng bintana. “Walang nakakapilit sa geisha na gawin ang ayaw niya. Bahala ang geisha mismo. Serbisyo iyan na hindi maibibigay sa iyo ng otel. Sige, kung gusto mo’y ikaw ang tumawag. Ikaw mismo ang makipag-usap.” “Ikaw ang tumawag para sa akin.” “Bakit ako ang gusto mong gumawa niyan?” “Itinuturing kitang kaibigan. Kaya nga tinatrato kitang mabuti.” “At ganito ang ipagagawa mo sa isang kaibigan?” Gumagaya sa kanyang pamamaraan, ang babae’y tila naging nakakatuwang bata. Ngunit pagkaraan ng ilang saglit, bumulalas ito: “Ang galing mo naman, at ako pa ang hinilingan mong gumawa ng gayong bagay!” “Ano’ng masama ro’n? Masyado lang akong lumakas pagkaraan ng isang linggo sa kabundukan, iyan lang. Mali- mali tuloy ang naiisip ko. Ni hindi ako makaupo rito para makipag-usap sa iyo sa paraang gusto ko.” Tahimik ang babae, nakatingin sa sahig. Umabot na si Shimamura sa puntong alam niyang ipinaparada lamang niya ang kawalanghiyaan ng isang lalaki, ngunit mukhang sanay na rin dito ang babae at hindi nasisindak. Tiningnan niya ito. Marahil, ang malantik na pilikmata ng nakababang mata ang nagdudulot sa mukha nito ng init at tukso. Umiling ng bahagya ang babae, at muli, isang mapusyaw na pamumula ang kumalat sa mukha nito. “Kunin mo ang geisha na gusto mo.” “Di ba iyan nga mismo ang hinihingi kong gawin mo? Ngayon lamang ako nakarating dito, at wala akong ideya kung sinong geisha ang pinakamaganda.” “Ano ba ang maganda sa iyo?” “Iyong bata. Hindi ka masyadong magkakamali kapag sila’y bata. At iyong hindi gaanong madaldal. Malinis, at hindi gaanong mabilis. Kung gusto kong may kausap, maaari kitang kausapin.” “Hindi na ako babalik dito.” “Huwag kang gaga.” “Sabi ko’y hindi na ako babalik. Bakit pa ako babalik?”