ANG PAGMAMAHAL NG ISANG INA Malaki ang pagkamuhi ko sa aking kinalakihang lugar. Liblib kasi at malayo sa kabihasnan, tanging kuliglig lamang ang aking naririnig pag gabi. Nasa gitna kami ng kagubatan. Kasama kong naninirahan dito ang aking ina, sa katotohanan lamang katulad ng aking pagkamuhi sa lugar na ito, namumuhi din ako sa aking ina. Dahil sa itsura nyang parang halimaw, sunog ang kalahati ng mukha at talaga naman nakakatakot. Ang bawat batang kanyang masalubong ay sumisigaw ng mayroong halimaw. Yan din ang malaking dahilan kung bakit ayaw ko sa lugar na ito. Sabi ng aking ina, ako na lang daw ang kanyang kamag-anak na natitira. Hindi na daw nya kilala kung sino pa ang mga kamag-anak . Si murang isip ko noon, siguro iniwan na talaga kami ng mga kamag-anak ni ina dahil sa itsura nya. Ayaw masabi na may kamag-anak silang halimaw kaya ganon. Dito umusbong ang aking unti unting pagkamuhi sa kanya. Sya ang nagdadala ng malas sa akin. Pangongolekta ng basura ang hanapbuhay ng aking ina bukod pa sa pagtatanim ng iba't ibang gulay. S'yang mag isa ang nagtatrabaho para sa amin. Ganon pa man, sinikap nyang ako ay mapag-aral. Noong una, inihahatid pa nya ko sa gate ng eskwelahan bago dumeretso sa tambakan ng basura. Wala pa sa isip ko noon ang pagkamuhi sa kanya. Hindi ko alintana kung may makakita sa akin na kasama ko sya. Pero habang tumatagal, iba't iba ang aking naririnig na kwento ng aking mga kaklase sa akin. Kesyo anak daw ako ng halimaw, may lahi daw kaming halimaw. Dahil don, umpisa noon hindi na ko nagpahatid sa kanya sa eskwela. Sinabihan ko din ang aking ina na wag na wag pupunta sa aming paaralan. Umuulan noon, hindi ko akalaing makikita ko sa labas ng paaralan ang aking ina na may dalang payong. Iiwas sana ko sa kanya subalit ako'y kanyang tinawag at dinig na dinig ng aking mga kaklase ang kanyang boses. Nagtakbuhan sila ng makalapit sya sa akin. "Anak ng halimaw, anak ng halimaw" ang boses ng ibang bata na na hindi umaalis sa aking tenga. Dali dali akong nagtatakbo pauwi, hindi ko pinansin si ina. Hinayaan ko ng mabasa ako ng ulan kesa makasabay sya pag-uwi. "Inay, bakit ba ganyan ang itsura nyo? bakit ba kayo mukhang halimaw? bakit hindi na lang kayo mamatay." Aking nasabi sa kanya, dala na din ng pagkapahiya sa aking mga kaklse kaya lumabas ito sa akin. Pinili ni ina na manahimik. Noong gabing iyon, lumabas ako ng kwarto upang kumuha ng tubig. Sa sulok ng mesa nakaupo sya't tahimik na umiiyak. Nakikita ko pa ang mga luhang dumadaloy sa kanyang sunog na mukha. Alam kong nasaktan ko sya sa aking mga sinabi, may kirot sa aking puso ang makita syang ganon. Noon din, ipinangako ko sa sarili kong hindi ako magiging tulad nya. Nag-aral akong mabuti, nagkamit ng karangalan sa pagtatapos sa mataas na paaralan. Umalis ako sa aming bahay ng walang paalam at nakipagsapalaran sa ibang lugar. Malaki ang naging epekto sa akin ng aking ina, iyon ang aking naging kasangkapan upang pagbutihin ang trabaho sa umaga at pag-aaral sa gabi . Mahabang panahon ang lumpias hangang sa dumating ang panahong ako ay nagtagumpay at naging isang Arkitekto. Nakabili ako ng magarang bahay sa isang subdivision, nakabili ng magarang sasakyan at nagkaasawa at nagkaron ng isang anak.