Tomo 4, Bilang 1 | Agosto 2015 13 LASCO: Lumang Pamayanan ng Pilipinas at ng Rapa Nui at Polynesyang Pranses Saliksik E-Journal Tampok na Artikulo ANG KAISAHAN AT UGNAYAN NG LUMANG PAMAYANAN NG PILIPINAS AT NG RAPA NUI AT POLYNESYANG PRANSES Lorenz Lasco Bahay-Saliksikan ng Kasaysayan - Quezon City, Philippines Abstrak Ang ating bansang Pilipinas at ang Rapa Nui (RN) o Easter Island at Polynesyang Pranses (PP) o French Polynesia ay may iisang Austronesyanong pinagmulan. Makikita ang pagkakaisang ito sa larangan ng linggwistika, henetika, etnograpiya, at arkeolohiya. Noong 2014, naglakbay ang may-akda sa RN at PP upang pag-aralan ang ugnayang ito. Sa papel na ito, unang tatalakayin ang mga ebidensyang linggwistikal. Pagkatapos, dadako sa kaparehong interesanteng patunay sa larangan ng henetika. Tatapusin ang artikulo sa pagtalakay ng pagkakaisa sa mga dating relihiyon. Ang una sa pagkakaisa sa mga relihiyong ito ang pagtatangi sa mga yumaong ninuno. Ang pangalawa namaǯy ang pagtatangi sa mga anito na pinaniniwalaang nananahan sa tatlong antas ng Austronesyanong kosmos. Hinubog ng mga paniniwalang ito ang lahat ng aspeto ng pamumuhay nila. Matingkad ang pagkakaisa ng mga pamayanan ng mga Austronesyano. May iisang diwa ang nananalaytay sa ating bansa at sa mga nasabing pinakamalayong lupaing inabot ng ating iisang ninuno. ANG RAPA NUI AT POLYNESYANG PRANSES Ang pulo ng Rapa Nui (RN) o Easter Island, Isla de Pascua o Île de Pâque ay maituturing na pinakamalayo at pinakamahirap na puntahang permanenteng pamayanan sa buong mundo. Ang buong pulo ng RN ay halos kasing laki lamang ng Lunsod Quezon ngunit sa layo ng lugar na ito, wala pang 6,000 na katao ang permanenteng naninirahan dito (Wikipedia 2013). Ang Polynesyang Pranses (PP) o French Polynesia o Polynésie française naman ay isa pang napakalayong pamayanan (tingnan ang Larawan 1). Bagaman napakalayo