ANG ETIKA NG HIMAGSIKAN: SI SUPREMO ANDRES BONIFACIO BILANG SUPREMO AT LIDER-REBOLUSYONARYO Isang Panimulang Pagtatangkang Aralin Upang Tukuyin ang Etika ng Katipunan 1 Tuwing a-trenta ng Nobyembre ay muli’t-muling ginugunita ng bansa, ng Buong Bayan at gayundin, kahina-hinala at lubhang kataka-taka, ng mga mga pulitiko, mga elitista at kapanalig nilang mga burgesya ang Dakilang Araw ng Pagsilang ng Supremo ng Katipunan. Marami ang magtatalumpati sa ilalim at sa harap ng estatwa ng Supremo at sisipi ng ilang mga pananalita’t anekdota sa kanyang mga isinulat at sa kanyang buhay. Lahat sila ay tila ba nagkakaisa sa sakripisyo’t kabayanihan ni Lolo Andy, ngunit ang katanungan ay: Nauunawaan ba talaga nila ang kanilang pinagsasasabi? Bukal ba sa kanilang kalooban ang mga salita o pahayag na kanilang ipinapahayag? Ano ang tunay nilang kabatiran kay Gat Andres Bonifacio? Ano ang nawawawaan nila sa mga ipinaglaban at pinagkamatayan ng mga Anak ng Bayan? Hindi ko na layunin dito na ikuwento na si Lolo Andy ay isinilang noong Nobyembre a-trenta taong 1863 sa Tundo, Maynila, na siya ang nagtatag ng Katipunan, na siya at ang Kilusang kanyang itinatag ang nagpasiklab ng 1 Tulad ng aking tinukoy sa itaas, ang munting sanaysay na ito ay isang panimulang pagtatangka pa lamang para sa isang mas komprehensibong pag-aaral sa hinaharap. Ibig kong magpasalamat kay kapatid na Propesor Roland A. Macawili sa kanyang maalab na pagsuporta at mainit na pagtangkilik sa aking ideya. Nais ko ding magpasalamat sa mga inihain nyang mga katanungan, kahit pa nga ang mga yaon ay masasagot ko pa sa hinaharap; marahil sa aking Doktoral na Disertasyon. Sa inisyal ay layon ng aking munti papel na magbukas ng panibagong diskusyon hinggil sa kaisipan at pilosopiya ng Supremo at ng mga Anak ng Bayan.