Isang marangyang salusalo ang ipinag-anyaya ni Don Santiago de los Santos na higit na populár sa taguring Kapitan Tiago. Ang handaan ay gagawin sa kaniyang bahay na nasa Kalye Anloague (na ngayo'y Kalye Juan Luna) na karatig ng Ilog Binundok. Ang paayaya ay madalíng kumalat sa lahat ng sulok ng Maynila. Bawat isa ay gustong dumalo sapagkat ang mayamang Kapitán ay kilalá bílang isang mabuting tao, mapagbigay at laging bukás ang palad sa mga nangangailangan. Dahil dito, ang iba ay nababalino kung ano ang isusuot at sasabihin sa mismong araw ng handaan. Nang gabíng iyon dagsa ang mga panauhin na gaya ng dapat asahan. Punô ang bulwagan. Ang nag-iistima sa mga bisita ay si Tiya Isabel, isang matandang babae na pinsan ng maybahay. Kabílang sa mga bisita sina tenyente ng guardia civil, Padre Sibyla, ang kura paroko ng Binundok, si Padre Damaso na madaldal at mahahayap ang mga salita at dalawang paisano. Ang isa ay kararating lámang sa Pilipinas. Ang kararating na dayuhan ay nagtatanong tungkol sa mga asal ng mga katutubong Pilipino. Ipinaliwanag niya na ang pagpunta niya sa bansa ay sarili niyang gastos. Ang pakay ng kaniyang paglalakbay ay upang magkaroon ng kabatiran tungkol sa lupain ng mga Indiyo. Nagkaroon ng mainitang balitaktakan ng mabanggit ng dayuhan ang tungkol sa monopolyo ng tabako. Nailabas ni Padre Damaso ang kaniyang mapanlait na ugali. Nilibak niya ang mga Indiyo. Ang tingin niya sa mga ito ay hamak at mababà. Lumitaw rin sa usapan ang panlalait ng mga Espanyol tungkol sa mga Pilipino noong mga nakalipas na araw. Mapanlibak si Padre Damaso. Kung kaya’t iniba ni Padre Sibyla ang usapan. Napadako ang usapan tungkol sa pagkakalipat sa ibang bayan ni Padre Damaso pagkatapos ng makapagsilbi sa loob ng dalawampung taon bílang kura paroko ng San Diego. Sinabi niya kahit na ang hari ay hindi dapat manghimasok sa pagpaparusa ng simbahan sa mga erehe. Pero, ito ay tinutulan ng tenyente ng Guardia Civil sa pagsasabing may karapatan ang Kapitan Heneral sapagkat ito ang kinatawan ng hari ng bansa. Ipinaliwanag pa ng tenyente ang dahilan ng pagkakalipat ni Padre Damaso. Ito umano ang nag-utos na hukayin at ilipat ang bangkay ng isang marangal na laláki na napagbintangang isang erehe ng pari dahil lámang sa hindi pangungumpisal. Ang ginawa ay itinuturing sa isang kabuktutan ng Kapitan Heneral. Kung kayâ inutos nito ang paglilipat sa ibang parokya ang paring Pransiskano bílang parusa. Nagpupuyos sa gálit ang pari kapag naaalala niya ang mga kasulatang nawaglit. Iniwanan na ni tenyente ang umpukan, pagkatapos nitong makapagpaliwanag. Sinikap ni Padre Sibyla na pakalmahin ang loob ni Padre Damaso. Lumawig muli ang talayan. Dumating ang ilan pang mga bagong panauhin. Ilan sa mga ito ay ang mag-asawang sina Dr. de Espadaña at Donya Victorina. 2: Si Crisostomo Ibarra Dumating si Kapitan Tiyago at si Ibarra na luksang-luksa ang kasuotan (nakasuot ng itim). Binating lahat ni kapitán ang mga panauhin at humalik sa kamay ng mga pari na nakalimot na siya ay bendisyunan dahil sa pagkabigla. Si Padre Damaso ay namutla nang makilala si Ibarra. Ipinakilala ni Kapitan Tiyago si Ibarra sa pagsasabing ito ay anak ng kaniyang kaibigang namatay at kararating lámang niya buhat sa pitong taong pag-aaral sa Europa. Malusog ang pangangatawan ni Ibarra, sa kaniyang masayang mukha mababakas ang kagandahan ng ugali. Bagama't siya ay kayumanggi, mahahalata rin sa pisikal na kaanyuan nito ang pagiging dugong Espanyol. Tinangkang kamayan ni Ibarra si Padre Damaso sapagkat alam niyang ito ay kaibigang matalik ng kaniyang yumaong ama. Ngunit, ito ay hindi inamin ng pari. Totoo, siya ang kura sa bayan. Pero, ikinaila niyang kaibigan niya ang ama ni Ibarra. Napahiya si Ibarra at iniatras ang kamay. Dagling tinalikuran niya ang pari at napaharap sa tenyenteng kanina pa namamasid sa kanila. Masayang nag-usap sina tenyente at Ibarra. Nagpapasalamat ang tenyente sapagkat dumating ang binata nang walang anumang masamáng nangyari. Basag ang tinig ng tenyente ng sabihin niya sa binata na nasa ito ay higit na maging mapalad sa kaniyang ama. Ayon sa tenyente ang ama ni Ibarra ay isang táong mabait. Ang ganitong papuri ay pumawi sa masamáng hinala ni Ibarra tungkol sa kahabag-habag na sinapit ng kaniyang ama. Ang pasulyap ni Padre Damaso sa tenyente ay sapat na upang layuan niya ang binata. Naiwang mag-isa si Ibarra sa bulwagan nang walang kakilala. Tulad ng kaugaliang Alemán na natutuhan ni Ibarra buhat sa kaniyang pag-aaral sa Europa, ipinakilala niya ang kaniyang sarili sa mga nanduruong kamukha niyang panauhin. Ang mga babae ay hindi umimik sa kaniya. Ang mga lalaki lámang ang nagpapakilala rin sa kaniya. Nakilala niya ang isang binata rin na tumigil sa pagsusulat. Malápit nang tawagin ang mga panauhin para maghapunan, nang lumapit si Kapitan Tinong kay Ibarra para kumbidahin sa isang pananghalian kinabukasan. Tumanggi sa anyaya ang binata sapagkat nakatakda siyang magtungo sa San Diego sa araw na naturan. 3: Ang Hapunan Isa-isang nagtungo ang mga panauhin sa harap ng hapagkainan. Sa anyo ng kanilang mga mukha, mahahalata ang kanilang pakiramdam. Siyang-siya si Padre Sibyla samantalang banas na banas naman si Padre Damaso. Sinisikaran niya ang lahat ng madaanan hanggang sa masiko niya ang isang kadete. Hindi naman umiimik ang tenyente. Ang ibang bisita naman ay magiliw na nag-uusap at pinupuri ang masarap na handa ni Kapitan Tiyago. Nainis naman si Donya Victorina sa tenyente