Elli, Marly Vea Clarisse L. 2012 68819 CORRUPTED MIND, CORRUPTED CULTURE? : Pag-aaral sa Diksyonaryo ng Korapsyon sa Pilipinas sa Sosyolinggwistiks na Pananaw 1. Introduksyon 1.1 Ang konsepto ng Korapsyon sa Pilipinas Isa sa mga pinakamalaking sakit ng ating bansa at maging sa ibang bansa rin ay ang patuloy na isyu ng korapsyon o katiwalian. Ang korapsyon ay nakaukit na sa loob ng ating sistema, at naisasagawa sa pang-ekonomiya at panlipunang mga kadahilanan na may pansariling interes at isang baluktot na kahulugan ng katapatan sa mga kaibigan at kamag- anak. Ngunit masasabi ba talaga nating isa na nga ba itong parte ng ating kultura? Ang korapsyon ay laganap na sa buhay ng mga tao. Nakikita ito sa gobyerno, sa kapulisan, at maging sa sistema ng hustisya na mayroon ang isang bansa. Sa mga kaso ng pork barrel, mga massacre na nangyayari at nababalita sa bansa, bakit nga ba walang naidadala sa kulungan? May iilan ngang hindi naibabalita, at may ilan namang naidadala naman sa awa at pangungutya lamang. Makikita rin ang korapsyon sa pang-aabuso sa kapangyarihan, pakikipagsabwatan, pandaraya sa halalan, pagnanakaw ng kabang yaman ng bansa, panunuhol at pagtanggap ng suhol, pagtangkilik o Padrino, at pangingikil. Makikitang ang kahirapan ang isa sa mga dahilan ng korapsyon. Sabi nga ng kasabihang, “Ang taong nagigipit, sa patalim kumakapit.”, napipilitang magnakaw ang mga tao. Ngunit masasabi rin nating, paano naman ang mga mayayaman na patuloy pa ring nagnanakaw? Sadyang hindi nga makuntento ang tao sa kung anong mayroon sila. Hindi nga natin itinatakwil ang korapsyon, sapagkat binabati pa natin ito, pinapaimbabaw, at hinahayaang magpatuloy sa bansa at maging sa sarili. Makikita ito sa ‘pakikisama’ ng bawat Pilipino at pamilya, kaibigan, at iilan sapagkat nakikinabang ang lahat kung hindi isusumbong o