Pambungad Ang librong ito ay maaaring basahin ng bawat kasapi o gawing aralin ng bawat balangay ng Partido Lakas ng Masa sa mahahalagang simulain ng sosyalismo ngayon. Isinulat ito sa sistemang tanong-sagot para maging matalas ang eksposisyon. Hinihikayat ang mga mag-aaral na gawing balangkas ang libro at palalimin pa ang mga pag-aaral sa mga lumilitaw na usapin na hindi nasaklaw ng libro. Ang inihaharap ng libro ay ilang panuntunan sa pagtatayo ng lipunang sosyalista na nahalaw na sa maraming karanasan ng mga nagpundar nito. Pero bago pa mabuo ang mga panuntunang ito, matagal nang narinig ang sosyalismo bilang isang ideya na naghangad palayain ang masa mula sa kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi na tatak ng kasalukuyang lipunan. Umalingawngaw ang sosyalismo bilang isang panawagan para sa hustisyang panlipunan. Bilang pagwawasto sa pagsaklot ng iilang tao sa kasangkapan sa paglikha ng yaman at pagkakait nito sa pinakamarami. Hindi ba‟t makatarungan lamang na lahat ng tao sa mundo, nang walang pagtatangi, ay makinabang sa yaman ng lupa, ng pabrika, at ng mga bagay-bagay na nilikha ng tao para sumagana at gumaan din ang kalagayan ng tao? Nasaan ang hustisya kung monopolisado ng iilan ang lupa, kung ang puhunan na nagmula sa pawis at talino ng mga manggagawa ay inaangkin lang ng mga sinasabing may-ari nito? Ang tunay na hustisya ay matatagpuan sa isang lipunan kung saan ang bawat tao ay kayang mabuhay ng masagana nang hindi nagsasamantala o inaapi ang sinuman. Isang lipunan na ang pag-unlad ng isa ay nakasalalay sa pag-unlad ng lahat. Hindi gaya ng mga lipunan ngayon kung saan umiiral ang crab mentality o kung saan ang pag-unlad ng indibidwal ay nakasalalay sa pagtuntong sa ulo ng iba. Mula sa ganitong hangarin, nailuwal ang mga pag-aaral na lalong nagpalalim sa pag- unawa ng marami sa sosyalismo. Sa kalaunan, nabigyan din ito ng makatotohanan at maka-syensyang batayan. Sa kalaunan pa, ang mga pag-aaral na ito ay naging realidad sa ibang bayan. Kung ito man ay bumagsak o hindi naipagpatuloy sa maraming bayan na naunang nagpatupad nito, hindi ibig sabihin ay wala nang batayan ang adhikaing ito at tinapos na ito ng kasaysayan. Batbat ng krisis ang kasalukuyang lipunan na tinatawag na kapitalismo (ang iba nama‟y tinagurian pa itong malakolonyal at malapyudal). Walang kinabukasan dito ang masa at mahirap tanggapin na ito na lamang ang ating kapalaran.