SIYETE PALABRAS JENNIFOR L. AGUILAR Page 1 of 13 SIETE PALABRAS Namimilipit na mula sa pagkakahagupit, at halos wasak na ang buong kalamnan nang ipabuhat sa kaniya ang napakabigat na krus na maghahatid sa kaniyang kamatayan. Dinusdusta pa‘t dinuduraan ng mga taong nakahambalang sa kaniyang daraanan. Di-alintana ang sakit ng katawan at sakit ng mga salitang paulit-ulit na sa kanya‘y ibinubulyaw. Pagsapit sa bundok ng Kalbaryo‘y doo‘y ipinako, Dito niya ibinulalas ang mga katagang bumago sa buong sangkatauhan… Unang Wika: “Ama, patawarin mo sila; sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa Lucas 23:34 . Kumakabug-kabog ang dibdib habang patalbug-talbog sa mga batu-batong kalsada ang sinasakayang tricycle paakyat sa bulubundukin ng Sierra Madre. Patungo pa lamang kami sa Mascap, ang pinakapaanan ng bundok na tatahakin papaakyat. Hindi ko mapaniwalaang makapagpapatakbo nang ganoon katulin ang mga tricycle driver sa kabila ng napakaraming naglalakihang bato sa kalsadang aming tinatahak. Hindi ko na mabilang kung ilang untog ang inabot ko pero isa lang ang tiyak ko… patay nang lahat ng kutong naninirahan sa ulo ko dahil sa natiris na ito sa maya‘t mayang pagkakaumpog. Hindi ang tulin ng tricycle ang dahilan ng kaba kundi ang takot sa kaligtasan ng labindalawang estudyante na lakas-loob na sumama sa akin upang makapaghatid ng tulong sa mga Dumagat sa Puray, Montalban, Rizal. Wala kasi kaming dala-dalang permiso o pahintulot mula sa aming pamantasan or in short, hindi kami nabasbasan o napayagang gawin ito (anumang kadahilanan meron sila ay hindi ko maintindihan). Ngunit dahil sa mapilit at gustung-gustong makatulong sa mga kapatid nating mga Dumagat ay itinuloy pa rin namin ang misyong makapaghatid ng tulong-edukasyon sa kabundukan. Biru-biruan naming tinawag na ‗BUWIS-BUHAY Outreach Program‖ ang lakad na ito, dahil hindi namin alam kung makababalik pa kami ng buhay. Nasa pagitan kami ng dalawang nagbabanggaang pwersa na maaaring makapagpahamak sa amin. Una, dadaan sa dalawang kampo, kampo ng mga sundalo at kampo ng mga pulis. Dito pa lamang ay malaking suliranin na ang kinakaharap sapagkat katatapos lamang mapakawalan ng ‗MORONG 43‘ na napagbintangang mga rebelde o NPA, bukod pa sa kilala ang aming pamantasan na lungga o taguan ng mga rebolusyonaryo sa Kamaynilaan. Ayon pa nga sa ibinulong sa akin, sa bawat sampung rebeldeng napapatay sa bulubundukin ng Sierra Madre, tatlo roon ay may rekord na nag-aral sa aming pamantasan. Paano na kung mapagkamalan din kaming mga rebelde? Pananagutan ko ang buhay ng mga kabataang ito sa kanilang mga magulang bukod pa sa nakataya ang propesyon ko na siyang tanging ipinambubuhay sa aking pamilya. Ikalawa, kung makalusot man sa mga pulis at sundalo, isa na namang malaking suliranin ang mga rebelde pagdating sa itaas ng kabundukan. Paano kung mapagkamalan naman kaming mga Intel o espiya ng gobyerno at nagkukunwari lamang na nagbibigay ng tulong sa mga Tribu-Dumagat? Mas malaki-laking problema ito, kasi, sa mga sundalo at pulis ay maaari pa kaming mabuhay, maipaglaban ang