Dahil Sa Anak ni Julian Cruz Balmaceda Mga Tauhan ng Dula : Don Arkimedes Don Cristobal Manuel Rita Ang ayos ng tanghalan ay loob ng isang bahay-mayaman. Makikita sa loob ng bahay ang kasangkapang antik o sinauna. Ipalalagay rin na ang namamahay ay may ugaling mapaniwalain sa mga utos ng pananampalataya.Sa dakong kaliwa ng nanonood ay naroon ang silid ng may bahay. Sa dakong kanan ay may mga bintana, At sa dulong kanan ay isang pintong patungong labas. Sa dulong kaliwa ay may isa ring pintong patungo sa isang panig ng looban ng bahay. Pagkaangat ng tabing ay makikitang nangakaupo at nag-uusap ang magpinsang si Don Arkimedes at Don Cristobal. Si Don Arkimedes(suot pambahay) at Si Don Cristobal (suot panlakad). Don Cristobal: Liwanagin mo ang ating pinag-uusapan, primo, at kung makukuro mo ang magiging hangga’y maaaring magbago ka ng isipin at palagay. Don Arkimedes: Ang lagay ba’y naparito ka upang ipagtanggol ang walang- hiyang iyan? Don Cristobal: Isipin mo, primo, na ang tinatawag mong walang-hiya ay tunay mong anak. Ang bugtong mong anak na iniwan sa iyo ng nasira… Don Arkimedes:(Titindig at magpapahalata ng kapootan) ….Primo….iya’y hindi ko na anak , mula sa mga sandaling iya’y maka-isip na gumawa ng napakalaking kasalanang gaya ng kaniyang ginawa… siya’y hindi ko na anak… Siya’y hindi karapat-dapat na magtaglay ng aking apelyido… Si Manoling ay kahiya- hiya…! Karima-rimarim…! Isang malaking batik iyan sa lahi ng mga Lakambayan… Oo, walang patawad ang kaniyang ginawa… Don Cristobal:Huwag mong ipasupil sa iyong puso ang iyong isip…Ang nangyari sa inyong mag-ama’y nangyayari sa lahat… Don Arkimedes: Nagkakamali ka, primo…hindi nangyari, kailanman sa aming lahi ang bagay na iyan … Oo talagang walang-hiya, walang turing….walang…. Don Cristobal: Dahan- dahan… Don Arkimedes: Hindi, hindi ako makapagdahan-dahan, kapag naglalagablab ang aking isip sa galit …Oo… walang pinag-aralan, bastus… Don Cristobal: Baka ipalagay tuloy ng mga kapitbahay na ako’y siya mong minumura at tinutungayaw…