Proyektong Panturismo Isang proyektong panturismo ang gagawin ng mga mag-aaral sa ikatlo at ikaapat na markhan. Sa huling linggo ng ikaapat na markahan, bawat grupo ay bibigyan ng 30 minuto upang ibahagi ang kanilang proyekto. Maaaring gumamit ng Power Point Presentation. Mas magiging kapana-panabik ang gagawing presentasyon kung ipapaskil ang mga poster ilang araw bago sumapit ang linggo ng presentasyon. Ang presentasyon ay dapat makahimok ng mga turista. Maaaring hatiin ang mga nakikinig/manonood (ang kanilang mga kaklase) sa iba’t ibang pangkat: 1. turistang nais makilala ang kanilang bayan 2. opisyal ng lokal na gobyerno 3. mananaliksik na gagawa ng dokyumentaryo tungkol sa kanilang bayan 4. manunulat na gagawa ng libro tungkol sa kanilang bayan 5. mga opisyal ng Department of Tourism Sa tulong ng mga nakikinig, maaaring pumili ang guro ng pinakamahusay na pangkat. Bukod sa pinakamahusay na grupo, maaari ding magkaroon ng hiwalay na gantimpala para sa pinakamagan- dang poster, blog, travel brochure at AVP. Ang Ikaapat na Araw ay maaaring gamitin para sa Proyektong Panturismo. Kung may nalalabi pang oras, maaari ding gawin ang mga mungkahing gawain para sa Ikaapat na Araw na matatagpuan sa unang bahagi ng Unang Markahan. Mga Bahagi ng Proyekto Maaaring ipaliwanag ang poster bilang introduksiyon sa kanilang proyekto. A. Poster Ano ang kuwento sa likod ng kanilang disenyo? Bakit ninyo ito napili? Ang poster ang magsisilbing representasyon ng kanilang paksa, grupo, at mensahe. Sa pamamagitan ng poster, magkakaroon ng ideya ang inyong mga kaklase at ibang tao sa kagandahan ng kanilang bayan na maaaring hindi pa nila alam. Gumamit ng mga retrato o imahen na talagang magpapakita ng dapat asahan ng mga tao sa gagawing presentasyon. Ang poster rin ay magagamit ninyo bilang buod ng inyong proyekto. Maganda kung mayroon itong pamagat.