1 KABANATA I ANG SULIRANIN Kaligiran ng Pag-aaral Ang guro ay may napakahalagang papel sa paghubog ng kakayahan ng mga kabataan. Sila ay nagsisilbing instrumento upang matamo ng mga mag-aaral ang inaasam na tagumpay sa darating na panahon. Kung kaya ang guro ay nahaharap sa pagsubok kung papaano niya mas mapapabuti ang pagtuturo para sa inaasam-asam na layunin. Sa pagtupad ng layunin na ito hindi lamang ng guro kung hindi pati ang ating pamahalaan ay magkaagapay upang magkaroon ng pagbabago sa sistema ng edukasyon. Ang K to 12 Kurikulum (2012) ay ipinanukala upang matugununan ang pangangailangan ng mga mag-aaral at makasabay sila sa pandaigdigang kompetisyon. Ang pagbabagong ito ay nakatuon din sa pagbabago sa paraan ng pagtuturo ng mga guro sa iba’t ibang asignatura. Ang tradisyunal na paraan ay pinalitan ng mga makabagong estratehiya na mas gaganyak sa interes ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral.