1 Ang Pelikulang Bukod na Bukod: Postkolonyal na Pag-unawa sa Pelikulang Pinoy Indie Elvin Amerigo Valerio De La Salle University-Manila Introduksyon: Ang Pelikulang Bukod na Bukod Itong batis ng paglaya Kasintanda na ng lupa, Kasangkapan sa paglikha Ng uhaw na mga diwa […] Harangan man ng patalim Bawat puso’y gigisingin; Ang nagupo o nahimbing Wiwisikan ng layunin. ― Rio Alma, Sa Kalayaan Simulan natin sa isang pangakong napako. Sa pagtatapos ng ika-20 siglo, may bagong salitang ipinasok sa isipan nating mga Pilipino. “Globalisasyon” ang doktrinang ipinalaganap ng noo’y Pangulong Fidel V. Ramos, isang dating heneral na nakapagtapos sa West Point sa Amerika. Alinsunod ang doktrinang ito sa pinagsanib na puwersa ng Amerika at IMF-World Bank. Dala nito ang pangako ng patas na pakikipagkalakalan na magbibigay sa mga bansang Third World tulad ng Pilipinas ng pagkakataong maging isang “newly - industrialized country.” Ngunit sa halip na makin abang ang ating bayan ay kabaligtaran ang nangyari – naging tapunan lamang tayo ng mga produktong ibinebenta ng mga bansang First World lalung- lalo na ng Amerika. Unti-unting lumabas ang tunay na imperyalista-ekspansyonistang intensyon ni Uncle Sam. Sa pananaw nga ng kritikong si Douglas Kellner, ang globalisasyon pala ay nauwi lamang sa Amerikanisasyon (216).