1 BINAGONG GABAY SA ORTOGRAPIYA NG WIKANG FILIPINO Komisyon sa Wikang Filipino, Edisyong 2013 PAGSULYAP SA KASAYSAYAN BILANG PANIMULA ni Virgilio S. Almario Ang gabay sa ortograpiya ng wikang Filipino ay binubuo ng mga tuntunin kung paano sumulat gamit ang wikang Filipino. Hinango ang mga tuntunin sa mga umiiral na kalakaran sa paggamit ng Wikang Pambansa, bukod sa napagkasunduang mga tuntunin, bunga ng mga forum at konsultasyon, hinggil sa mga kontrobersiyal na usapin sa ispeling. Ninanais palaganapin sa gabay na ito ang estandardisadong mga grapema o pasulat na mga simbolo at ang mga tuntunin sa paggamit at pagbigkas ng mga simbolong ito. Itinatanghal din dito ang mga naganap na pagbabago mula sa panahon ng abakadang Tagalog bunga ng bagong alpabeto at bunga na rin ng umuunlad na paggamit sa Wikang Pambansa. Hindi ninanais na maging pangwakas na mga tuntunin ang nilalaman ng gabay na ito. Wika nga noon pang 1906 ni Ferdinand de Saussure habang binubuo ang mga pangkalahatang simulain sa lingguwistika, mahirap mahúli ang bigkas ng isang “buháy na wika.” At isang malusog at umuunlad na wika ang Filipino. Wika pa niya, “Ang bigkas sa isang salita ay ipinapasiya, hindi ng ispeling, kundi ng kasaysayan nitó.” Higit na mapapahalagahan ang bawat tuntuning ortograpiko sa gabay na ito kapag sinipat mula sa pinagdaanang kasaysayan nitó kalakip ang paniwala na patuloy itong magbabago samantalang umuunlad ang pangangailangan ng madlang gumagamit ng wikang Filipino. Mulang Baybayin Hanggang Abakada Ang kasaysayan ng ortograpiya ng wikang Filipino ay maaaring ugatin mula sa sinaunang panahong gumagamit ang mga Filipino ng katutubong paraan ng pagsulat na tinatawag na baybayin. Sa ulat ng mga misyonerong Espanyol, nadatnan niláng 100 porsiyentong letrado ang mga Tagalog at marunong sumulat at bumása sa baybayin ang matanda’t kabataan, lalaki man o babae. Dahil sa pangyayaring ito, kailangan niláng ilimbag ang unang aklat sa Filipinas, ang Doctrina Christiana