Kabanata 1 Kabanata 1: Sa Kubyerta “sic itur ad astra” Ganito ang landas ng mga Bituin Isang umaga ng Disyembre, dumadaan sa Pasig ang Bapor Tabo lulan ang mga pasahero patungong Laguna: Mabigat, bilog at halos hugis tabo ang bapor na pinagmulan ng pangalan nito, marusing ang kabila ng pagkukunwaring maputi, ngunit maharlika at kapita-kapitagan dahil sa kabagalan. Isang tagumpay laban sa kaunlaran- isang bapor na hindi naman ganap na bapor; isang organismong hindi nagbabago; hindi buo ngunit hindi mapasusubalian; at kapag nais magpakitang umuunlad, buong kasiyahan nang ipinagmamalaki ang isang pahid ng pintura. Mahahalintuad sa Estado sapagkat may hirarkiya ang mga pasahero: Mga intsik at indio sa ibaba kasama ng mga kalakal at mga empleado ng pamahalaan, prayle at mga mahahalagang tao sa kubyerta. Kapitan ng Barko: dating marino na pumalaot na sa mga malalaking dagat, bagamat matanda siya ay magiliw at ngayon para bang nag-aalaga na lamang ng bapor na sumpungin, matigas ang ulo at tamad pa. Donya Victorina – tanging babaeng nakaupo sa piling ng mga Europeo. Nilait lang Tabo dahil sa kabagalan ng takbo nito at sinabing mas mabuti pa sana kung wala na lang mga Indiong nabuhay sa mundo, hindi alintana na ang mga timonero at ang 99 porsiyento ng mga sakay nito ay mga Pilipino na tulad niya rin (kung tatanggalin ang makapal na kolorete sa mukha at mayayabang na damit.) Nandito siya sapagkat may nakapag sabi na nasa Laguna ang kanyang asawang si Don Tiburcio de Espadana at nais niya itong akiting umuwi sa kanila sa pamamagitan ng kanyang bagong kulot na buhok. Mga Nasa Kubyerta: Tatlong Fraile –uurong daw ang buong mundo kapag dumating ang araw na pumunta sila sa kanan Don Custodio – payapang natutulog at nasisiyahan sa kanyang mga proyekto Ben Zayb (anagrama ng Ibanez) – isang manunulat na naniniwalang nag-iisip ang Maynila sapagkat siya ay nag-iisip Simoun – ipinalalagay na tagapayo at tagabulong ng lahat ng kilos ng Kapitan Heneral.