“WE ARE THE BEST PACKERS IN THE WORLD!” Panimulang Mga Tala sa Jokes Bilang Bintana ng Pananaw ng/ukol sa Migranteng Pilipino Michael Charleston B. Chua 1 Pamantasang De La Salle Maynila Pangalawang Pangulo, Kapisanang Pangkasaysayan ng Pilipinas Dominique Angela M. Juntado 2 Graduate School, Unibersidad ng Pilipinas Diliman PANIMULA Mahilig tumawa ang karaniwang Filipino. Maituring man itong bisyo o senyales (kahayagan) ng karuwagan, isang linggwistikang tunog na nagbibigay tanda ng lawak at hangganan ng pagkaunawa, ang pagtawa sa Pilipinas ay nagbibigay paraan upang mapunan ang ang pangangailangang sosyal at sikolohikal. Sa kanyang pinakamainam, ito ay ang pabuyang matatamo para sa paggamit ng kahusayan sa talastasan pagpapatawa (wit) at pagkahulog (bathos) --- mga di nawawalang sangkap ng isang birong Pilipino. Ang mga biru-biruan ukol sa mga migranteng Pilipino ay hindi lamang novelty, kundi isang mayamang bintana ng kung paano ba tinitingnan ng Pilipino sa ibayong dagat ang kanilang sarili, ang kanilang kapwa Pilipino, at ang dayuhan. Ang ganitong uri ng Komedya ay itinuturing na matagumpay sapagkat ito ay napapanahon bilang isang paksang antropolitikal para sa bansa. Isa sa mga pinakamahalagang mabanggit ay ang karanasan ng (i)migrante at ang hirap ng pakikihalubilo o pakikisanib sa ibang kultura kung saan siya lumipat(nakianib) [Stott 2007:39]. Ang mga ito ay may naibubunga sa kalikasan at hangganan ng pagkakakilanlan, at mga katanungang ukol sa pagkakakilanlan ay mga pabalik-balik na tema ng komedya. Sa Kapanahong Kasaysayan hindi dapat matali ang pagsaysay sa karanasan at kalinangang Pilipino sa mga tradisyonal na batis tulad ng mga pormal na dokumento at sulatin. Tulad ng naipakita ng mga pag- aaral nina Reynaldo Clemeña Ileto at Teresita Gimenes Maceda, ang mga batis na ginagamit/mula sa bayan ay maaring maging bintana ng mentalite o kamalayan. May tatlong mukha ang papel: (1) paglalarawan sa ebolusyon ng biruan bilang isang format na magbibigay ng pangkasaysayang perspektiba ukol dito, tuon sa karanasang Pilipino, (2) pagsusuri ng ilang materyal upang maunawaan kung bakit ang mga biruan na ito ay naging malaganap, epektibo at popular, (3) at pagtatasa kung paanong ang mga biro na ito ay makapagtutukoy ng ilang kaugalian, halagahin at gawi na dala-dala at patuloy na isinasabuhay ng migranteng Pilipino. Upang pag-ibayuhin ang diing hermeneutika ng papel, gagamit ng isang balangkas na bagyang hiniram mula sa teorya ng manwal sa teknikal na pagsusuri ng komedya ni Andrew Stott. Ang mga piling material sa papel na ito ay mga