Alamat ng Baguio Sa isang nayon sa Baguio na kung tawagin ay Suyuk, naninirahan ang mga Igorot na pinamumunuan ni Kunto. Si Kunto ay bata pa ngunit siya ang pinakama-lakas at pinakamatapang sa kanilang nayon kaya siya ang ginawang puno ng matatandang pantas. Ang mga naninirahan sa nayong ito ay namumuhay nang tahimik . Maibigin sila sa kapwa at may takot sila sa kanilang bathala. Taun-taon ay nagdaraos sila ng ca ao bilang parangal sa kanilang mga anito. Noong panahong iyon, ang mga Igorot ay naniniwala sa iba’t ibang anito. Kung nagdaraos sila ng ca ao ay lingguhan ang kanilang handa. Nagpapatay sila ng baboy na iniaalay sa kanilang bathala. Nagsasayawan at nagkakantahan sila. Isang araw ay nagtungo si Kunto sa gubat upang mamana. Hindi pa siya lubhang nakalalayo nang nakakita siya ng isang uwak. Nakatayo ito sa isang landas na kanyang tinutunton. Karaniwang ang mga ibon sa gubat ay maiilap ngunit ang ibong ito ay kaiba. Lumakad si Kunto palapit sa ibon ngunit hindi ito tuminag sa pagkakatayo sa gitna ng landas. Nang may iisang dipa na lamang siya mula sa ibon, bigla siyang napatigil. Tinitigan siyang mainam ng ibon at saka tumango nang tatlong ulit bago lumipad. Matagal na natigilan si Kunto . Bagamat siya’y malakas at matapang, sinagilahan siya ng takot. Hindi niya mawari kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita. Hindi na niya ipinagpatuloy ang kanyang pamamana. Siya’y bumalik sa nayon at nakipagkita sa matatandang pantas. Anang isang matanda, “ Marahil ang ibong iyon ay ang sugo ng ating bathala. Ipinaaalaala sa atin na dapat tayong magdaos ng ca ao.” Kung gayon, ngayon din ay magdaraos tayo ng ca ao,” ang pasiya ni Kunto. Ipinagbigay-alam sa lahat ang ca ao na gagawin. Lahat ng mamamayan ay kumilos upang ipagdiwang ito sa isang altar sa isang bundok-bundukan. Ang mga babae naman ay naghanda ng masasarap na pagkain. Nang ang lahat ay nakahanda na, ang mga lalaki ay humuli ng isang baboy. Ang baboy na ito ay siyang iaalay sa kanilang bathala upang mapawi ang galit, kung ito man ay nagagalit sa kanila. Inilagay ang baboy sa altar na ginawa nila sa itaas ng bundok-bundukan. Anong laking himala ang nangyari! Nakita nilang ang baboy ay napalitan ng isang pagkatanda-tandang lalaki! Ang mukha ay kulay- lupa na sa katandaan at halos hindi na siya makaupo sa kahinaan.Ang mga tao ay natigilan. Nanlaki ang mga mata sa kanilang nakita. Sila’y natakot. Maya-maya’y nagsalita ang matanda at nagwika nang ganito: “Mga anak magsilapit kayo. Huwag kayong matakot. Dahil sa kayo’y mabuti at may loob sa inyong bathala, gagantimpalaan ko ang inyong kabutihan. Lamang ay sundin ninyo ang lahat ng aking ipagbilin. “Kumuha kayo ng isang tasang kanin at ilagay ninyo rito sa aking tabi. Pagkatapos sukluban ninyo ako ng isang malaking palayok. Ipagpatuloy ninyo ang inyong ca ao. Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik kayo rito sa pook na ito.