(Mahalagang basahin upang mabisto kung anong uring kaibigan meron ka….mahaba nga lang.) Mga Iba’t ibang Uri Ng Kaibigan Ni Apolinario Villalobos Sa pagkauso ng “BFF” o “best friend forever” na turingan, hindi maiwasang bigyan ng matamang pansin ang ganitong relasyon. Napakaswerte ng mga magkakaibigan na habang buhay na raw nga, ang halos ay pagkit na pagkakadikit sa isa’t isa sa lahat ng panahon. May mga magkakabarkada na hanggang tumanda na ay regular pa ring nagre-reunion. Ang ganitong samahan ay hindi dapat maging dahilan ng pagselos ng mag-asawa, dahil iba ang uri ng samahan ng magkakaibigan sa uri ng samahan ng mag-asawa. Ang magkakaibigan lalo na yong mga magkakabata ay halos magkadugtong na ang mga pusod kung sila ay magturingan. Nangyayari ito kadalasan sa mga anak ng magkukumare at magkukumpare. Kung minsan naman ay sa magkakapitbahay. Mas malalim wika nga ang samahan dahil kung baga sa puno ay matatag na ang pagkakaugat. Ang samahan ng mag-asawa ay nagsisimula kadalasan sa panahong ang babae at lalaki ay pareho nang nasa tamang gulang, at nagsisimula sa pagkikita sa paaralan, lalo na sa kolehiyo, o di kaya ay sa trabaho. Sa bihirang pagkakataon kung minsan naman, nauuwi sa pag-aasawahan ang nagsimula sa puppy love na na-develop nang high school pa lang. Sa barkadahan, wala halos inatago sa isa’t isa ang magkakaibigan, hindi tulad ng mag-asawa na may mga nirereserba pang sekreto sa isa’t isa, lalo na yong biglang nagsama makaraan lamang ng ilang araw, linggo o buwang ligawan. Paano nga namang magwala sa isa’t isa ang nagkadebelupan lang dahil sa eyeball to eyeball na nagsimula sa facebook?...na nauwi lang minsan sa isang short me sa mumurahin at masurot na motel…. naging mag-asawa na? Sa magbabarkada, walang sinumpaang obligasyon ang isa’t isa, kaya walang sumbatang nangyayari. Hindi tulad sa mag-asawa na parehong pumirma sa kontrata upang magsama sa hirap at ginhawa, at ang kontratang ito ay tumiim pagdang ng panahon na may mga anak na sila. At ang mandi pa, ang hindi tutupad sa kontrata ay makakasuhan, lalo na kung umabot sa puntong nagkasawaan at naghanap ng mga bagong kandungan ang bawa’t isa. Sa magbabakarda, kung may tampo ang isa sa isa pang kabarkada, pwede siyang tumakbo sa iba pang kabarkada upang maglabas ng hinaing. May mga payong ibibigay – take them or leave them pa, may choice. Sa mag-asawa namang nagkatampuhan lalo na ang may matataas na pride, kung minsan, ang tampuhang nagresulta sa simpleng kalmutan at sampalan ay umaabante sa batuhan ng plato, baso, ispinan ng kutsilyo, at lasunan! Ang tunay na pagkakaibigan ay tapat at walang kundisyon na sinusunod. Wala mang kundisyon ay mayroong nangyayaring “pakiramdaman” batay sa prinsipyo ng kamutan ng likod, sa Ingles, “scratch my back and I’ll scratch yours. Yan ang pinakamagandang uri ng pagkakaibigan – bukal sa kalooban at nagbibigayan.