DRAFT April 1, 2014 11 MODYUL 1: Heograpiya at mga Sinaunang Kabihasnan sa Daigdig PANIMULA Kabilang ang Heograpiya sa mga salik na nakaaapekto sa daloy ng kasaysayan. Sa katunayan, malaki ang bahaging ginampanan nito sa pag- usbong at pagbagsak ng isang kabihasnan. Ito rin ang humubog at patuloy na humuhubog sa pag-unlad ng kabuhayan at paglinang ng kultura ng tao. Sa Modyul na ito, kailangang ipaunawa sa mga mag-aaral ang ugnayan ng heograpiya at kasaysayan. Gagabayan ka ng Teacher’s Guide (TG) na ito kung paano maituturo sa mga mag-aaral ang pakikipag-ugnayan ng mga prehistorikong tao sa kanilang kapaligiran upang matugunan ang kanilang pangangailangan at tuluyang mapaunlad ang kanilang pamumuhay. Tutulungan ka rin nito na ipaliwanag sa mga mag-aaral na nagbunga ng mauunlad na pamayanan at kalinangang kultural na tinawag na kabihasnan ang pakikipag-ugnayan ng mga sinaunang tao sa kanilang kapaligiran. Inaasahang mabubuo sa mga mag-aaral ang pagpapahalaga sa mga ambag ng mga sinaunang kabihasnan sa daigdig. Nakapaloob sa Teacher’s Guide na ito ang mga pamamaraang gagabay sa guro upang mabisa at mahusay na magamit ang Learner’s Material (LM). Ang mga mungkahing gawain ay inaasahang tutugon at hahamon sa kakayahan ng mga mag-aaral upang maging mas kawili-wili ang pag-aaral ng Araling Panlipunan 8 (Kasaysayan ng Daigdig). Pamantayang Pangnilalaman: Naipamamalas ang pag-unawa sa naging kaugnayan ng kapaligiran at ng tao sa paghubog ng mga sinaunang kabihasnan sa daigdig. Pamantayan sa Pagganap: Ang mga mag-aaral ay nakabubuo ng panukalang proyekto na nagsusulong sa pangangalaga at preserbasyon ng mga pamana ng mga sinaunang kabihasnan sa daigdig para sa kasalukuyan at sa mga susunod na henerasyon.