PAG-USBONG NG BOURGEOISIE bourgeoisie - terminong ay iniuugnay sa mga mamamayan ng mga bayan sa medieval France na binubuo ng mga artisan at mangangalakal. Malaki ang pagkakaiba ng kanilang pamumuhay sa pamumuhay ng aristokrasya, mga magsasaka, o ng mga pari. Ang daigdig nila ay hindi ang manor o simbahan kundi ang pamilihan Hindi nakatali ang mga kasapi ng uring ito sa mga panginoong may lupa Ang kanilang yaman ay hindi nanggaling sa lupa kundi sa industriya at kalakalan Sa huling bahagi ng ika-17 siglo, naging isang makapangyarihang puwersa ang bourgeoisie sa Europe. Binubuo sila ng mga mangangalakal, banker (nagmamay-ari o namamahala ng bangko), mga shipower (nagmamay-ari ng mga barko), mga pangunahing mamumuhunan, at mga negosyante. Hindi na kabilang sa kanila ang mga artisano na sa panahong ito ay maiuuri na sa mga manggagawa. Ang kapangyarihan ng bourgeoisie ay bunga ng kayamanan at pakikipag-alyansa sa hari laban sa mga landlord. Subalit ang kanilang kapangyarihan sa nasabing panahon ay pang-ekonomiya lamang. Maiuugat ang English Revolution, American Revolution, at French Revolution sa pagnanais ng bourgeoisie na palayain ang sarili mula sa anino ng piyudalismo, sa pakikialam ng monarkiya sa personal na kalayaan, at sa karapatan sa kalakalan at pagmamay-ari. Nagkaroon lamang ng politikal na kapangyarihan ang mga bourgeoisie pagdating ng ika-19 na siglo. Nagkamit sila ng karapatang politikal, panrelihiyon, at sibil sa pamamagitan ng pagtataguyod ng liberalismo. artisan - mga manggagawang may kasanayan sa paggawa ng mga kagamitang maaaring may partikular na gamit o pandekorasyon lamang. naninirahan sa mga nabuong pamayanan Hindi sila nakadepende sa sistemang piyudal at binabayaran sila sa kanilang paggawa. MERKANTILISMO Ang pag-unlad ng isang bagong doktrinang ito ay nakatulong din sa pagkabuo at paglakas ng mga nation-state sa Europe. Nabuo ang prinsipyo upang itaguyod ang kaunlarang pang-ekonomiya at kapangyarihang politikal ng isang bansa. Bagama’t kadalasang ikinakategorya bilang patakarang pang-ekonomiya, ito ay isang sistema na ang pangunahing mga layunin ay politikal; ang magkaroon ng malaking kitang magbibigay-daan upang ang hari ay makapagpagawa ng mga barko, mapondohan ang kaniyang hukbo, at magkaroon ng pamahalaang katatakutan at rerespetuhin ng buong daigdig. Ang doktrinang - ay sentral sa teorya ng merkantilismo. Sa ilalim ng doktrinang ito, ang tagumpay ng isang bansa ay masusukat sa dami ng mahahalagang metal sa loob ng hangganan nito. Ibig sabihin, kung mas maraming ginto at pilak ang makukuha ng isang bansa, mas maraming pera ang malilikom nito bilang buwis. Nangangahulugan ito na mas magiging mayaman at makapangyarihan ang naturang bansa. Hango ang ideyang ito sa karanasan ng Spain na yumaman at naging makapangyarihan dahil sa mahahalagang metal na nanggaling sa mga kolonya nito sa South America at Central America. Gayundin, kinailangan nila ng mga kolonyang magkakaloob ng mga ginto at pilak. Ang isang bansang walang kakayahang makakuha ng ginto at pilak nang madalian ay dapat na mas paunlarin pa ang kalakalan nito sa iba pang bansa. Kung titiyakin lamang ng pamahalaan na mas marami ang iniluluwas kaysa inaangkat, mas maraming ginto at pilak ang papasok sa bansa. Sa gayong paraan, mapananatili nito ang kalamangan sa balance ng kalakalan. nasyonalismong ekonomiko - Isang elemento ng merkantilismo na nakatulong sa pagkabuo at paglakas ng mga nation-state. Ibig sabihin nito, kayang tustusan ng isang bansa ang sarili nitong pangangailangan. Sa pamamagitan ng pagtataas sa dami ng iniluluwas na produkto, hindi na aasa ang bansa sa mga produktong dayuhan. PAGTATATAG NG NATIONAL MONARCHY Malaki ang naitulong ng pagtatatag nito sa paglakas ng Europe. Matatandaan na sa panahon ng piyudalismo, walang sentralisadong pamahalaan. Mahina ang kapangyarihan ng hari. Ang naghahari ay ang mga noble na sila ring mga panginoong maylupa. Ang hari ay itinuturing lamang na pangunahing panginoong may lupa. Subalit nabago ang katayuan ng monarkiya sa tulong ng mga bourgeoisie. Ang hari na dating mahina ang kapangyarihan ay unti-unting namayagpag sa pamamagitan ng pagpapalawak ng teritoryo at pagbubuo ng matatag na sentralisadong pamahalaan. Humirang siya ng mga mamamayang nagpatupad ng batas at nagsagawa ng paglilitis at pagpaparusa sa korte ng palasyo. Bilang resulta, ang katapatan ng mamamayan ay lumipat mula sa panginoong maylupa tungo sa pamahalaan na may kakayahang protektahan sila. Handa silang magbayad ng buwis para sa proteksiyong ito. Sa pamamagitan ng buwis, nagkaroon ng pondo ang hari upang magbayad ng mga sundalo. Dahil dito, nakalaya ang hari mula sa proteksiyon na dating ibinibigay ng mga knight ng panginoong maylupa. Dahil ang katapatan ng mga sundalo ay nasa hari, maaari silang gamitin ng hari laban sa mga knight ng panginoong maylupa kung kinakailangan. Bukod dito, maaari nang humirang ang hari ng mga edukadong mamamayan bilang kolektor ng buwis, hukom, sekretarya, at administrador.