Ang Baliw Ng Bayan Ng Sili UNA KO SIYANG NAPANSIN, NA NAKATALUNGKO, parang tulala, sa gilid ng hagdanang paakyat sa ikalawang palapag ng merkado publiko ng Sili, Magayon. Mahaba ang madalang, naninikit niyang buhok na nakahapay sa libagin, nanlilimahid niyang butuhang liig at mataas na balikat. Nangingitim na ang dati’y puti’t maluwang niyang tisert na may markang pulang “God Bless America” at pula ring larawan ng isang mansanas sa harapan, gayundin ang kanyang kupas na maong na punit sa may tuhod, at sa may harapa’t puwitan na pinaninilipan ng ilang hibla ng kanyang bulbol at inuuslian ng ilang bahagi ng marusing, tuyot niyang bayag. Siya’y nakayapak. Patay ang karamihan sa mga kuko niya sa paa. Tantiya ko, mahigit lang siyang kuwarenta anyos subalit pinatanda ng mahaba, mangilan-ilan niyang balbas at ng malalalim na mga gatla sa kanyang noo, ng humpak niyang pisngi at ng malungkot, tila walang buhay niyang mga mata. Wala siyang kagalaw-galaw sa pagkakatalungko, walang pakialam sa mga langaw na umaaligid at dumadapo sa kanya. Buong-buo ang tuon ng titig niya sa kinaharapan, na marahil ay nakapukos doon sa mga taong kumakain sa kabila ng salaming dinding ng bagum-bago, kabubukas pa lamang na sanga ng isang sikat na multinasyonal na fastfood center, sa kabilang ibayo ng kalsada. Marahil, sa kanyang isipan, ay tinatanong kung masarap nga ba kayang talaga ang hamburger o spaghetti o pizza o pritong manok o french fries at dagsa’t nagsisiksikan ang mga pumapasok upang kumain, at ang mga lumalabas na nangasandat na’y may mga bitbit pang nakaplastik na pagkain. Hindi ko masyadong binigyang-pansin noong una ang obserbasyon kong iyon kay Indong Kagit. Marahil, sapagkat nasanay na rin ako sa mga marusing na pulubing namamalimos at mga taong- grasa sa Maynila o sa mga malalaking bayan sa amin sa Norte (ako’y dala’t kupkop lamang dito sa Magayon ng isa kong tiyuhing nakapangasawa rito upang dito ko na ipagpatuloy ang pag-aaral (na natigil nang maulila ako sa ama), sa isang state college). Kinalabit lamang ako ng tila walang anumang katanungan, o kuryusidad marahil, na kung bakit sa lupalop na ito, sa isang maliit na isla- probinsiyang ito’y may mga katulad din pala ni Indong Kagit. Subalit tinugon ko rin ang walang anumang katanungang iyan ng marahil ay