1 (Comments are welcome.) Tiwala lang! Isang Semantikong Eksplorasyon sa Konsepto ng Tiwala at ang Relasyon Nito sa Salitang Paniniwala at Totoo Maryam Hisham B. Casimiro Papel sa Linggwistiks 170 Isa sa mga salita sa wikang Tagalog na imposibleng maunawaan bilang isang konsepto kung hindi maiintindihan ang kahulugan nito sa kalinangang ginagalawan at sa paggamit dito sa wikang kinapapalooban ay ang tiwala. Sa papel na ito, susuriin at aalamin ang konsepto ng tiwala at ang relasyon nito sa paniniwala at totoo, bilang isang pagpapahayag ng katauhan at kultura ng lipunang Pilipino. Pambungad Gaya ng konsepto ng meron ni Ferriols sa pilosopiya at ng hiya ni Enriquez sa sikolohiya, ang tiwala ay isang natatanging salita sa wikang Tagalog na hindi eksaktong maisasalin sa kahit anong dayuhang wika tulad ng Ingles dahil sa kakaiba nitong kahulugan na dala ng kalinangang Pilipino. Sa katunayan, mabigat sa pakiramdam sa tuwing nababanggit ang salitang tiwala. Bakit kaya? Ano ba ang lalim nito? Ano ang pinaghuhugutan o pinagbabatayan ng salitang ito? Dagdag pa rito, may kaugnayan ba ito sa paniniwala bilang isa pang mabigat na salita? May koneksyon ba ang tiwala maging ang paniniwala sa totoo? Nagbabago ba ang pagpapakahulugan sa tiwala sa paglipas ng panahon? Dumedepende ba ito sa uri sa lipunan?