Lipon Ga?: Ang Dayalektoloji ng Sinasalitang Tagalog sa Brgy. Bancoro, San Nicolas, Batangas Reycie Janin Barrientos, Maryam Hisham Casimiro, at Angel Ruben Roxas Abstrak Sa walong araw na fildwurk, nakipanayam kami sa ilang myembro ng Bancoro ukol sa varayti ng Tagalog na kanilang ginagamit. Nakakuha kami ng iba't ibang salita na hindi kalimitang naririnig o kaya'y hindi ginagamit sa ibang varayti ng wika. Maliban dito, nagsagawa kami ng talakayan upang malaman ang kanilang saloobin sa wikang Tagalog, ang kanilang pagkakakilanlan dito, at ideyolohiya. Layon ng papel na ito na makita at isiwalat ang pagkakahalintulad at pagkakaiba ng Tagalog ng Bancoro sa ibang varayti at ang kanilang pananaw dito, bilang isang preliminaryong pag-aaral. Mga Keyword: dayalektoloji, Tagalog, Bancoro, Batangas 1.0 Pambungad Ang papel na ito ay tungkol sa Tagalog na sinasalita sa barangay Bancoro sa bayan ng San Nicolas, Batangas. Sa pag-aaral ng dayalektoloji ng wikang Tagalog, sinuri namin ang fonolojikal at leksikal na pagkakatulad at pagkakaiba ng Tagalog sa Bancoro, kumpara sa mga karatig-lugar sa probinsya at sa ibang varayti ng Tagalog sa bansa. Maliban sa linggwistik na analisis, sinipi rin ng papel na ito ang kasaysayan, heograpiya, kultura, at mga pag-uugali at pananaw ng mga taga-Bancoro, at ang kaugnayan nito sa pag-aaral ng dayalekto ng Tagalog sa barangay. 1.1. Kasaysayan ng Bancoro Upang makakuha ng impormasyon patungkol sa Bancoro, humingi kami ng datos mula sa barangay hall. Isa sa mga nakausap namin ay ang komite na nakatalaga sa pagkolekta ng karamihan sa mga datos patungkol sa barangay, ang Barangay Health Workers o madalas na tawaging BHW ng mga residente sa lugar. Bukod sa BHW,