Kahandaan sa pagharap sa kalamidad Pero sa kabila ng climate change, may mga pamamaraan pa sana para maiwasan o maibsan man lang ang mga epekto ng kalamidad. Ito ay kung sa una pa lamang, napaghahandaan ang mga ito. Ang problema, ayon kay Carlos Padolina, deputy executive director ng CDRC, ay ang matagal nang namamayaning oryentasyon sa lipunang Pilipino – ang emergency response. “Sa matagal na panahon, ang tanging napaghahandaan ay ang pagtugon sa emergency situation sa panahon ng kalamidad,” ani Padolina. Ibig sabihin, inihahanda lamang ang mga tao at ang gobyerno para kumilos kung nasa aktuwal na panganib na ang mga komunidad at kung nakapinsala na ang anumang kalamidad. Malaking puwang pa rin kung paano ihahanda ang mga mamamayan at makaiwas sa pinsalang dulot ng kalamidad. Ayon sa grupo, kailangang pihitin ang oryentasyon o konsepto ng pagtugon sa kalamidad mula sa emergency responselamang tungo sa buong disaster management (pre-disaster,during-disaster at post-disaster), na may diin sa kahandaan bago maganap ang kalamidad ( disaster preparedness). Kasama na rin ang pag-iwas at pagbawas (disaster mitigation) ng pinsalang dulot nito at zero casualty. Ayon pa kay Padolina, madaling mahulaan ( foreseeable) ang kalamidad sa Pilipinas dahil dalawa lamang ang panahon dito: tag-ulan at tag-init. Sa ganitong kalagayan, madaling matukoy ang mga lugar na mataas ang potensiyal na maging disaster hazard o high risk sa pagkakaroon ng landslide, pagbaha at iba pang kalamidad. Ngunit sinabi ni Padolina na di hamak na mas malaki ang pondong kinakailangan para sa paghahanda bago ang kalamidad ( disaster preparedness), kumpara sa pondong inilalaan para sa emergency relief assistance. Sa kanilang karanasan, bukod sa relief and rehabilitation na kanilang ginagawa sa panahon at pagkatapos ng kalamidad, aabot sa P25-Milyon ang pondong kanilang inilaan para sa 72 barangay na binigyan nila ng pagsasanay sa disaster management, kasama na ang buong pakete (socioeconomic trainings, capacity building at pagbigay ng mga gamit pangkaligtasan tulad ng early warning device,rescue gears at iba pa). Hindi nakapagtataka na mas piliin ng gobyerno na maglaan ng badyet para sa emergency response kaysa disaster preparedness. Aabot sa 1/4 na lamang ang natira mula sa P2-Bilyong badyet ng nakaraang administrasyon, ayon mismo kay Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III sa kanyang unang State of the Nation Address.