Ang Noli Me Tangere ay salitang Latin na ang ibig sabihin sa wikang Inges ay Touch Me Not o Huwag Mo Akong Salingin sa Filipino. Ito ay hango sa Ebanghelyo ni Juan at isinulat ni Dr. Jose P. Rizal noong 1884 sa Madrid noong siya ay nag-aaral pa ng Medisina. Nang makatapos ng pag-aaral ay nagtungo sa Paris si Rizal at doon ipinagpatuloy ang pagsusulat ng Noli Me Tangere. Sa Berlin na niya natapos ang huling bahagi ng nobela. Ilan sa mga kilalang tauhan ng Noli Me Tangere ay sina Crisostomo Ibarra, Kapitan Tiyago, Tinyente Guevarra, Padre Damaso, Sisa, Basilio at Crispin, Maria Clara at marami pang iba. Narito naman ang aming bersyon ng Noli Me Tangere buod ng bawat kabanata pati na rin ang mga talasalitaan na ginamit sa nobela. Noli Me Tangere Kabanata 1 – Ang Pagtitipon Sa gabing iyon ay nakatakdang ganapin ang marangyang handaan sa bahay ni Don Santiago Delos Santos o mas kilala bilang si Kapitan Tiyago upang magsilbing salubong sa isang binatang kagagaling lamang sa Europa. Hindi naman iba sa kapitan ang binata dahil ito ay anak ng kanyang matalik na kaibigan. Ang bahay ni Kapitan Tiyago na matagpuan sa kalye Anluwage ay napuno ng mga bisita. Isang malaking karangalan ang maging panauhin ng Kapitan. Si Kapitan Tiyago ay kilala sa pagiging matulungin sa mga mahihirap at nabibilang sa mataas na lipunan. Ang pinsan ng Kapitan na si Tiya Isabel ang taga-istima ng mga bisita at ang mga panauhing babae at lalake ay sadyang magkakahiwalay. Nagpahuli namang dumating ang ibang mga panauhin kabilang na ang magkabiyak na sina Dr. de Espadaña at Donya Victorina. Hindi naman nagpahuli sa mga panauhin ng Kapitan ang kinatawan ng simbahan sa pangunguna nina Padre Sibyla, ang kura paroko ng Binundok; Si Padre Damaso na sadyang magaslaw kung kumilos at magsalita; dalawang paisano; at si Tinyente Guevarra, ang tenyente ng gwardya sibil. Ang bawat grupo sa mga panauhin ay may kanya-kanyang paksa upang ilabas ang kani- kanilang saloobin, makipag-tagisan ng kuro-kuro, at humanap ng papuri. Ilan sa mga napag-usapan ay ang mga Indio o ang mga Pilipino; ang pagkakaalis ni Padre Damaso sa Parokya ng San Diego kahit na matagal itong nagsisilbi doon; ang monopolyo ng tabako, mga pulbura at armas at marami pang iba.