BADJAO: SINO NGA BA SILA? Bernardnecio Tuwing Kapaskuhan nagkalat ang mga taong ito sa mga matataong lugar sa Metro Manila. Madalas silang nakikita sa Claro M. Recto sa Quiapo. Sa gitna ng mga humahangos na mga mamimili at mga rumaragasang jeepney makikita silang humahabol para manghingi ng kaunting barya, nagpapalimos. Sa mga ordinaryong araw kilala sila ng mga sumasakay ng barko sa pier, mga parating at paalis ng Maynila nakikita silang palutang- lutang sakay ang mga maliliit na bangka. Ganun pa rin ang gawi, nakatihaya ang mga kamay sa mga pasahero, humihingi ng barya. Nag-aanyaya na itapon ito sa tubig at sabay-sabay na sumisisid at pag-ahon dala na ang mga baryang kanilang hinabol sa ilalim ng dagat. Magagaling at sumisid at lumangoy. Kapansin-pansin ang mga itsura nila. Kakulay ng buhok ng mais ang kanilang mga buhok at sunog sa matinding sikat ng araw amg kanilang balat. Sila ang mga tinatawag na Badjao! Sino nga ba sila? Saan sila nanggaling at bakit nandito sila sa Lungsod? Kaunti lang ang nalalaman tungkol sa mga Badjao. Noong 1957 isang pelikula ang nilikha ng batikang direktor na si Lamberto Avellana sa ilalim ng LVN Films na tungkol sa mga grupong ito na pinamagatang “Badjao”. Sabi ng mga kritiko ito daw ang kauna-unahang pelikula na matalinong nagpakita ng makulay na kultura ng mga Badjao. Pinagbidahan ng mga beteranong artista na sina Tony Santos, Vic Silayan, Leroy Salvador at Rosal Rosal. Ang pelikula ay tungkol sa anak ng isang datung Badjao na nagmahal at nagpakasal sa anak na babae ng pinuno ng mga Moro o Muslim. Ipinakita sa pelikula ang magkasalungat na pananaw ng mga Badjao at mga Moro kung saan parang naipit sa naguumpugang bato. Sa bandang huli nagkaroon ng mapayapang kasunduan ang dalawang grupo. Mahigit limampung taon ang nakalipas mula nang ipalabas ang pelikula hindi pa rin malinaw kung ano at saan nga ba nanggaling ang mga Badjao. Gaya ng pagkabaon sa limot ng pelikula ay ganun din ang paglimot sa pagkakakilanlan sa mga Badjao. Sa lahat ng tinatawag na “Indigenous groups” sa Pilipinas sila na marahil ang kapos sa pag-unawa at pag-aaral. Kung tawagin ang mga Badjao ay mga “Sea Gypsies” o mga taong pagala- gala hindi sa lupa kundi sa karagatan. Karaniwan silang matatagpuan sa mga Karagatan ng Celebes at Sulu sa Katimugang bahagi ng Pilipinas. Ang mga probinsiya ng Tawi-Tawi, Sulu, Basilan at Zamboanga ay may pinakamaraming populasyon ng mga Badjao sa Pilipinas. Kilala sila sa mga makukulay na bangka na kung tawagin ay “Vinta”. Karaniwan silang nakatira sa tabing dagat sa mga bahay na kung tawagin ay “house on stilts” o kaya