Ang Nagbabagong Anyo ng Sosyolohiya Sa Nagbabagong Anyo ng Lipunan at ng Mundo: Ang Post-modernismo at ang Hinaharap ng Sosyolohiyang Pilipino 1 Panimula Ang teoryang panlipunan ay humaharap sa kasalukuyan sa isang matinding krisis at dumaraan sa isang pagsubok (Seidman, 1996; 1995; Denzin, 1997; Clifford and Marcus, 1986; Marcus and Fisher, 1986). Bagama’t ang krisis ay palagi nang kaakibat ng kasaysayan ng pag-unlad ng teoryang panlipunan, sa kasalukuyan, ang krisis na hinaharap ng teoryang panlipunan, partikular na ang sosyolohiya, ay bunsod ng daluyong ng makabagong pag-iisip at ang kaakibat nitong bagong kaayusang pandaigdig. Ang makabagong pag-iisip na ito ay tinatawag na post-modernismo, samanatalang ang makabagong kaayusang pandaigdig na katuwang nito ito ay tinatawag na kalagayan ng post-modernity (Hollinger, 1991; Sarup, 1993:131). Sa palagay ko ay hindi pa masyadong malawak at nararamdaman ang krsis na dulot ng post-modernismo sa sosyolohiyang Filipino. Kahit na sa sosyolohiya sa Amerika at Europa ang post- modernismo ay hindi pa gaanong tanggap. Narito ang hinuha ni Peter K. Manning (1995:245), isang Amerikanong sosyolohista: The spector of postmodernism is haunting literary criticism, feminist studies, critical legal studies, architecture, and philosophy. With a few notable exceptions, postmodernist authors and their works are virtually unkown in American sociology and barely known in English sociology…. Indubitably, while postmodernism is marginal to the current sociological enterprise, it ilicits cautious, if not somewhat “panicky,” appreciaion among many serious scholars. Ang papel na ito ay naglalayong magbigay ng isang paglilimi sa mga katangian ng post- modernong pag-iisip at ang pagkakaugnay nito sa makabagong panlipunang kalagayan. Tatalakayin ko ito ayon sa kabuluhan nito sa nagbabagong anyo ng sosyolohiya. Pagkatapos nito ay sisilipin ko rin ng kaunti ang kahalagahan nito sa sosyolohiyang Filipino. Makabuluhan at napapanahon ang pagsusuri ng direksyon ng sosyolohiyang Filipino sa panahon ng post-modernity. Ngaunit ang aking kuro-kuro tungkol dito ay isang pasimula lamang. 228