Mga Salik na Nakakaapekto sa Pagkatuto ng Wika sa Filipino 7 Jennylyn Arquillano, Christie Formentera, Ruth Ann Jorquia, Angel Mahusay, Claire Paypa, Fraisy Saballa, Cebu Normal University ruth.jorquia7@yahoo.com Abstrak Ang pag-aaral na ito ay naglalayong malaman ang mga salik na siyang nakakaapekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa Filipino 7. Ang mga mananaliksik ay nakipanayam sa tig-dadalawang guro sa pribado at publikong paaralan at nagpasagot ng tseklist sa tatlumpu’t limang estudyante sa pribado samantalang apatnapu’t isa sa publikong paaralan. Base sa naging resulta sa nangyaring pananaliksik, lumabas sa pag-aaral na madaling ituro ang wika ngunit mahirap ang proseso ng mga estudyante sa pagkatuto. Sa pag-aaral na ito ay napag-alaman na hindi masyadong nauunawaan ng mga estudyante ang paggamit ng mga mahihirap at malalalim na salita lalo na ang paksang tayutay kung saan gumagamit ng mga matatalinghagang salita. Lumabas din sa pag-aaral na ang mga estudyante sa pribado at pampublikong paaralan ay may iba’t ibang estilo sa pagkatuto subalit may nangingibabaw paring dulog na mas mainam gamitin ng guro at ito ay ang deductive, inductive, task-based, discovery at interactive approaches kung saan mas madali nilang maintindihan ang isang paksa. Napag- alaman sa pag-aaral na ang mismong aralin, dulog na ginagamit ng guro at ang estilo ng mga estudyante sa pagkatuto ay ang mga salik na nakakaapekto sa pagkatuto ng wika sa Filipino 7. Kaya bilang isang guro dapat alamin ang naaangkop na mga estratehiyang gagamitin upang mapadali ang pagkatuto ng mga estudyante sa wika sa Filipino 7. Keywords: Salik, Wika, Estilo ng Pagkatuto, Dulog