Persona, Personahe at Panata: Pagpaparanas ng karanasan at pagsipat sa debosyon sa bisita ng Santissima Trinidad Mon Karlo Mangaran De La Salle University Manila, Philippines Makalipas ang ilang daantaon matapos ang kumbersyon ng mga Tagalog bilang mga Kristiyano, nagpapatuloy ang mga ritwal at tradisyon ng mga Pilipino na taliwas sa turo ng simbahan. Isa ang Bisita ng Santissima Trinidad sa Lungsod ng Malolos, Bulacan sa mga dinadayo ng mga deboto dahil sa sinasabing mapaghimalang mga imahe ng Tatlong Persona at kontrobersyal din dahil sa pagkakatiwalag dito ng Simbahang Katoliko. Sa pananaliksik na ito, ituturing na isang buong tanghalan ang Bisita ng Santissima Trinidad at susuriin ang mga ritwal na isinasagawa sa loob ng simbahan gamit ang mga teorya sa pagtatanghal at sisilipin kung paano nito hinuhubog ang kamalayan ng mga deboto at sa proseso ay napapanatili at naipapasa ang bahaging ito ng ating kultura. Keywords: Performance Studies, Diana Taylor, Victor Turner Naalala ko ang isang binatilyo na nagdarasal sa tapat ng imahen ng Mahal na Nazareno. Pagkatapos manalangin, dinukot niya ang isang liham mula sa kanyang bulsa at ihinulog sa siwang ng salaming kwadro na pinaghihimlayan ng eskulturang pangrelihiyon. Sa kanyang tabi ay nakahilera ang iba pang imahen na inaalayan ng bulaklak ng mga deboto. Hindi ko na matandaan kung ano ang isinulat ko noon. Ang tanging alam ko lamang ay tulad ng iba pang pumapasok sa bisita ng Santissima Trinidad, lahat kami ay nangangarap na mabigyang katuparan ang anumang kahilingan na inilapat namin sa kapirasong papel. Marahil, halos lahat sa atin ay naghahangad ng himala lalo na sa panahon ng krisis, sa ekonomiya man o sa pagkatao, at umaasa tayo na may milagrong maihahatid ang mga pananalangin sa mga santo. Hindi na bago ang ganitong pagsandig natin sa hindi nakikita at ang pananalig sa hindi maipaliwanag. Bahagi na ito ng daantaong tradisyon na mauugat bago pa dumating ang mga Kastila. Marami sa atin, lalo na ang mga nakapag-aral, ay hindi maunawaan kung paanong nakapapanatili ang ganitong uri ng pananampalataya sa gitna ng rasyonalidad na itinuturo ng modernong panahon at itinuturing na mangmang ang mga nagpapatuloy ng ganitong tradisyon. Maipapaliwanag lamang ang penomenong ito sa pag-unawa na susi ang mga ritwal sa mga pook-sambahan tulad ng simbahan upang matandaan, maisagawa, mahasa at maipasa ang kultura ng isang lipunan. Isang malaking trahedya at komedya ang buhay. Bawat isa sa atin ay aktor na gumaganap ng iba’t ibang katauhan batay sa hinihingi ng pagkakataon sa mundong nagsisilbing isang napakalaking tanghalan. Gamit ang teorya ni Diana Taylor hinggil sa papel ng pagtatanghal sa pagkatuto, pag-iimbak at pagpapasa ng karunungan, ituturing kong mga pagtatanghal ang bawat eksena sa Bisita ng Santissima Trinidad na aking natunghayan sa ilang ulit na pagsisimba rito. Sisilipin ko ang mga kwento kung paanong naitatag ang Bisita ng Santissima Trinidad at mga naganap na tunggalian sa tanghalang ito. Sa ganitong paraan ay higit na maiintindihan ang kabuuan ng istorya, eksena at karanasan ng mga deboto na hinubog ng pagtatanghal at kasaysayan. Ituturing na tagpo ang bawat prosesong aking napagmasdan mula pagpasok ng simbahan, pagpunta sa iba’t ibang bahagi ng bisita, pakikinig ng sermon ng pari at pagmamasid sa paligid bago tuluyang umuwi. Isasaalang-alang din sa pagsusuri ang mga props na ginagamit ng iba’t ibang karakter sa mga pagtatanghal sa loob ng simbahan upang higit na maintindihan ang kabuuang karanasan na sa aking palagay ay sadyang ipinaparanas sa mga deboto. Nais kong ipakita na ang kilos at gawi ng 1