1 Tungkol Saan ang Modyul na Ito? Ang pagpapahayag ng damdamin, kaisipan at mga naisin sa buhay ay lubhang mahalaga sa bawat tao. Sa pamamagitan nito, nauunawaan natin ang iba at gayon din sila sa atin. Alisin mo ang pagpapahayag at para mo na ring kinitlan ng buhay ang isang tao. Ang sawikain o idyoma ay isang uri ng pagpapahayag na kusang nalinang at nabuo sa ating wika. Sa ating pang-araw-araw na pakikipagtalastasan, pagsasalita at pagsusulat, gumagamit tayo nito. Kaya nga’t maging ang mga mamamahayag sa radyo, telebisyon at pahayagan ay gumagamit din nito upang bigyang diin at gawing kaakit-akit ang kanilang pagsasalita at pagsusulat. Katulad ng sawikain, ang salawikain ay may ibang kahulugan bukod sa literal na ibig sabihin ng mga salitang pinagkabit-kabit upang mabuo ito. Ito ay ginagamit din sa pagpapahayag ng damdamin, ideya at kagustuhan sa paraang kaayaaya sa pandinig at pagbasa. Layunin ng modyul na ito na tulungan kang bumasa at umunawa ng kahulugan ng mga gamiting sawikain at salawikain. Gagabayan ka nito sa pagbuo ng mga pangungusap na ginagamitan ng idyoma. Magiging kaiga-igaya para sa iyo ang pag- aaral mo sa modyul na ito sapagkat naghanda rin kami ng tape na kariringgan mo ng pangkaraniwang mga idyoma at salawikain. Ang modyul na ito ay nahahati sa dalawang aralin: Aralin 1 – Sawikain: Basahin at Gamitin Aralin 2 – Mga Salawikaing Gabay sa Buhay Handa ka na bang pag-aralan ang modyul na ito? Halika’t sabayan mo ako! Anu-ano ang mga Matututuhan Mo sa Modyul na Ito? Matapos mong pag-aralan ang modyul na ito, makakaya mo nang: kumilala ng mga sawikain at salawikain sa pamamagitan ng pagbabasa at pakikinig; ipaliwanag ang kahulugan ng mga idyoma at salawikaing karaniwang ginagamit sa radyo at telebisyon; at gumamit ng mga sawikain at salawikain sa pagsasalita at pagsusulat.