DRAFT March 24, 2014 2 MODYUL 1: Heograpiya at mga Sinaunang Kabihasnan sa Daigdig PANIMULA Isa ang HEOGRAPIYA sa mga salik na nakaaapekto sa daloy ng kasaysayan. Sa katunayan, malaki ang bahaging ginampanan ng heograpiya sa pag-usbong at pagbagsak ng isang kabihasnan. Ito rin ang humubog at patuloy na humuhubog sa pag-unlad ng kabuhayan at paglinang ng kultura ng tao. Sa Yunit na ito, mauunawaan ang ugnayan ng heograpiya at ng kasaysayan. Maiisip kung paano nilinang at ginamit ng mga prehistorikong tao ang kanilang kapaligiran upang matugunan ang mga pangangailangan at tuluyang mapaunlad ang kanilang pamumuhay. Dahil sa kanilang mahusay na pakikiayon sa kapaligiran, nabigyang daan ang pagtatatag ng maunlad na pamayanan at kalinangang kultural na tinawag na kabihasnan. Ang mga sinaunang kabihasnan sa daigdig, partikular sa Asya, Africa, at America, ay nag-iwan ng mga kahanga-hangang pamanang maipagmamalaki sa lahat ng panahon at nakapagbigay ng malaking kapakinabangan sa pamumuhay ng mga tao sa kasalukuyan. Sa modyul na ito, susuriin kung paano maipamamalas ang pag-unawa sa kahalagahan ng mga pamanang ipinagkaloob ng mga sinaunang kabihasnang nagtagumpay sa mga hamong dulot ng kapaligiran. Mga Aralin at Sakop ng Modyul Aralin 1 Heograpiya ng Daigdig Aralin 2 Ang mga Sinaunang Tao Aralin 3 Ang mga Sinaunang Kabihasnan