Gabriel F. Fabella: Talambuhay at Pamana ng Tinaguriang “Ama ng Hunyo 12,” 1898-1982 1 KRISTOFFER R. ESQUEJO Kristoffer R. Esquejo, Dept. of History, College of Social Sciences and Philosophy, University of the Philippines Diliman. Email: kris_esquejo@yahoo.com Taong 1962 nang nilagdaan ni Pangulong Diosdado Macapagal ang Proklamasyon Blg. 28 na nagbigay-daan sa pagpapalit ng araw ng kasarinlan ng Pilipinas mula Hulyo 4 tungong Hunyo 12. Ang ganitong makabansang hakbang ng dating pangulo ay itinuring ng marami bilang paggiit sa soberanya ng ating bansa sa pagbabalik sa orihinal na petsa na idineklara si Heneral Emilio Aguinaldo, pangulo ng pinakamatandang republika sa Asya, na noo’y buhay pa. Samakatuwid, kinilala ang pangyayaring ito bilang isang radikal na pagtatangka natin na kumawala sa pagiging neo-kolonya ng Estados Unidos, ang dati nating mananakop. Gayunpaman, isang nakakalungkot na katotohanang tila hindi nabigyan ng lubos na pagkilala at halos nalilimot na ang totoong indibidwal na siyang may orihinal na pakana sa pagsasabatas na ito - si Prop. Gabriel F. Fabella, ang tinaguriang ‘Ama ng Hunyo 12.” Sino ba si Fabella? Higit pa sa pagiging historyador at guro ng Unibersidad ng Pilipinas, siya rin ay naging mandudula, mamamahayag, abugado, pulitiko, tagapagtatag ng ilang samahan at mga paaralan, manunulat at Rizalista. Bagama’t produkto ng edukasyong kolonyal ng mga Amerikano, siya ay isang halimbawa ng isang natatanging indibidwal na matagumpay na bumangon mula sa kahirapan at nagdulot ng ibayong mga ambag at dangal sa kanyang mga kababayang Pilipino, laluna sa mga taga- Romblon. Ang papel na ito ay isang pagtatampok sa talambuhay at mga pamana ni Fabella sa bansa. Bilang paggunita sa limampung taong anibersaryo ng nabanggit na kaganapan, susubukan ng papel na ito na patunayang hindi lamang nag-aaral, nagtuturo at nagsusulat ng kasaysayan ang isang historyador. May kapangyarihan din siyang lumikha at magdulot ng kasaysayan na may pakinabang sa antas pambansa.