KASAYSAYAN NG ISLAM AT NG MGA MUSLIM SA PILIPINAS AT ANG IMPLIKASYON NITO SA KASALUKUYANG KAPAYAPAAN AT KAAYUSAN Ronaldo M. Velilla Jr. Introduksyon Masalimuot ang kasaysayan ng Islam sa Pilipinas at ng mahigit sa limang milyon nating mga kababayang sumasampalataya rito, lalung-lalo na ang mga Moro (kataga sa mga Pilipinong Muslim na buhat sa Mindanao), at ang kanilang naging interaksyon at pagpupunyaging kumawala sa mga mananakop na banyaga at sa gobyernong nasa Maynila. Maituturing na isang mahaba, armado at bayolenteng krusada ang marubdob na pagpupumiglas na kumawala ng mga Moro sa kamay ng mga dayuhang kapangyarihan: Mula sa paglaganap ng Kristyanismo sa mga isla ng Pilipinas mahigit-kumulang limang siglo na ang nakararaan, hanggang sa kasalukuyang pagkatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM. Ang mga Muslim ang pinakamalaking minorya sa ating bansa subalit sila ang nakararanas ng pinakamatinding diskriminasyon, karahasan at kahirapan. Bakit nangyari ito sa grupong dati’y itinuring sa ating mga kapuluan na pinakamalakas, pinakamayaman at pinaka-impluwensyal? Ano nga ba ang naging gampanin ng Islam sa nakaraan at kasalukuyang kalagayan ng ating bansa, at ang magiging implikasyon pa nito sa ating kapayapaan at kaayusan sa hinaharap? Sa komposisyong ito, aking susuriin ang kasaysayan ng Islam sa Pilipinas at ng mga sumusunod dito, at ang papel nito sa patuloy na paghubog sa ating lipunan at sa kasaysayan ng ating bansa. 1