ANG PAGPUPUMILIT NG MGA MALING ALAALA: SI HARING CARLOS III SA PANGIL, LAGUNA AT SI JOSÉ RIZAL SA LUCBAN, QUEZON John Paul Egalin Abellera ABSTRAK Mahalaga ang memorya sa identidad ng isang tao. Kung hindi maalala ng tao ang mga salitang kanyang nabanggit, ang mga kilos na kanyang ginawa, at ang mga bagay na pinaniniwalaan niya, hindi niya lubos na kilala ang kanyang sarili. Pareho ang masasabi natin sa mga komunidad. Ang kanilang pag-alala bilang grupo ay ang kanilang pagkatao bilang grupo. Ngunit hindi laging tama at mapagkakatiwalaan ang memorya. May mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na nangyari, pero wala silang maibigay na matibay na ebidensiya para masabing totoong nangyari iyon. Sa bayan ng Pangil sa Laguna, patuloy na naniniwala ang mga residente roon na tumira sa kanilang bayan ng dalawang taon si Rey Carlos III ng España noong siya ay prinsipe pa, at na ibinigay niya ang mga imahen ng Nuestra Señora de la O at ng Santo Niño de la O bilang pasasalamat sa mga taga-Pangil. Samantala, ang mga residente naman ng bayan ng Lucban sa Quezon ay naniniwala na isinulat ni José Rizal ang kanyang nobelang "El Filibusterismo" sa kanilang Puente de Arco. Ang parehong kwento ay walang matibay na ebidensiya para patunayan ang kanilang katotohanan. Nais ng pag-aaral na ito na tukuyin ang mga posibleng pinagmulan ng mga kwento na ito at kung bakit sila patuloy na pinaniniwalaan ng mga tao.