Ang Personal na Pagpapasarap sa Sarili sa Spoken Word Poetry (Paghihimay sa Teoryang Perpagsar Bilang Lente sa Pagsusuri) ni Joel Costa Malabanan I. Panimula Binigyang kahulugan sa UP Diksyunaryong Filipino (2001) ang salitang “sarap” bilang lasa o amoy na kalugod-lugod; lami, nanam, nami, niyaman. Sa panitikan, ang pang-uring masarap ay maaaring maiugnay sa “sarap ng paglikha” o sa sarap ng pagbabasa. Maituturing na subjective ang sarap ng pagbasa o pagsulat sa iba’t ibang tao. Ngunit , may pagkakasundo ang mga manunulat at mambabasa batay sa mga batayang umaayon sa partikular na pagtingin sa panitikan batay sa schools of thought; theoretical perspective; at aesthetic models (Aguirre, 2016) Sa kabilang banda ang pagsulat ay “palaging masarap” sa mga manunulat na itinuturing ito bilang libangan o hanapbuhay habang “hindi ito masarap” para sa mga napipilitan lamang lumikha dahil may dedlayn na hinahabol o dahil kailangang ipasa sa guro bilang bahagi ng requirement sa klase. Para sa makatang si Lamberto Antonio (2012) masarap basahin ang isang tula kung ito ay makatao, makamasa, makabuhay, maka-agham, nagtataglay ng kongkretong ideya, sariwang talinhaga na pinandaw ng personal mula sa pakikipagkapwa at panlipunang pakikitalad sa buhay. Ayon naman kay Tomas Agulto (2011), ang tula ay masarap at masustansya, nagpapasigla, nagkakarga ng kalidad / dignidad ng buhay ng tao. Hindi ito hiyas o borloloy ng isang estadong bulok. Ayaw ng tula sa eleganteng ornamentong kurtina sa dulingas na pananaw at kulturadong utak: bagkus ang tula ay langis ng buhay. Nagpapaluningning ito sa kahubdan; binubusigsig ang kaano-anohan ng tao at inuurirat ang kabakit-bakitan ng kalikasan, ang naturalesa ng daigdig. Ang ganitong pananaw ni Agulto bilang isang agnostikong makata ay nakatuon sa pagpapalaya ng panulaang nais humiwalay sa lente ng Marxista at sa mga panuntunang inilatag ng relihiyon at iba pang pagtatakda ng lipunan. Ang Personal na Pagpapasarap sa Sarili o Perpagsar sa Panulaan ay ang paghahanap ng sarap sa pagsulat o pagbasa ng tula na personal o pansarili lamang. At sapagkat subjective nga ang salitang sarap, ang tinutukoy nito ay ang lugod na naibibigay ng pagsulat na walang pagtatangi o pagpapahalaga sa mambabasa. Tanging sariling sarap lamang ang binibigyang diin ng manunulat nang walang pakundangan kung ang akda ba niya ay may kabuluhan para sa lipunan. Pinagkakakitaan lamang ang pagsulat nang walang kasamang obligasyon sa mambabasa at sa pag-unlad ng panitikan. Sa sanaysay na “Nilupak VS Espasol” ni Gelacio Guillermo ( 1996), binigyang diin niya na Para sa mga makatang rebolusyunaryo, ang islogang "mula sa masa, tungo sa masa" ay isang patuloy, pangkalahatan at palagiang proseso ng pag-alam at pagsasapraktika, ng pagwawasto ng mga kamalian at pagpapataas ng mga mithi, na sa tuwina ay nakabatay sa gawaing masa at ginagabayan ng ideolohia ng proletaryado. Tugong kritisismo ito ni Guillermo sa aklat na “Balagtasismo Versus Modernismo” ni Virgilio Almario (1984) na nagsasabing“bagahe ang pulitika” sa pagtula. Dagdag pa ni Guillermo: Ang mga tula, tulad ng anupamang bagay, ay hindi tumatagal; lagi't laging lilitaw ang mga bagong tula habang isinasapraktika ng mamamayan ang kanilang pagkamalikhain. Pero ang mga luma ay binabalik-balikan para makakuha ng mga aral na magagamit sa bagong panahon, muling maramdaman ang kahulugan nito bagamat sa ibang kalagayan, at samakatwid ay hindi lubusang naglalaho o isinasadlak sa limot, o isinasaisantabi dahil sa pagkasuya. Sa ating bansa, ang pulitika para sa paglaya ay isang mahabang praktika at nagpapatuloy hanggang ngayon, kung hindi'y paano ipaliliwanag ang antig sa damdamin ng tula nina Andres Bonifacio, Jose Rizal, Jose Corazon de Jesus, Amado Hernandez? Walang tulang hindi pulitikal, iba-iba lamang ang pulitikang dinadala sa paraang direkta, mahinhin o patago, o kaya'y dinadalang konsyus o di- konsyus. Mainam linawin, na ang Perpagsar sa panulaan ay nakatuon sa pansariling “kaligayahan lamang ng may-akda” at hindi sa interes ng nakararami. Hindi ito nakatuon sa the greatest happiness principle" or "the principle of utility" ni Jeremy Bentham. Ayon kay Bentham (1789), what is morally obligatory is that which produces the greatest amount of happiness for the greatest number of people, happiness being determined by reference to the